Inulan ng suporta ang ABS-CBN News reporter at abogado rin na si Mike Navallo dahil sa naging asal niya nang komprontahin siya ni Solicitor General Jose Calida noong naghain ito ng quo warranto petition laban sa Dos.
Paano kasi, nagtatanong lang naman si Mike kung bakit ngayon inihain ang petition—na trabaho naman niya bilang journalist—pero ang SolGen, biglang namersonal. Sey niya, “Lagi mo ako binabanatan, ah, abogado ka rin pala, e.”
Sagot ni Atty. Mike, “Sir I’m just doing my job, sir. It’s part of the story.” Oh, ‘di ba?
Pero may pahabol pa si Calida bago umalis at sinabing, “Mag-practice ka na lang, magkita tayo sa court.”
Siyempre, agad-agad namang lumabas ang mga sumusuporta kay Mike at mga dismayado sa ginawa ni Calida. Isa na nga riyan ang Justice and Court Reporters Association o JUCRA, na naglabas ng statement tungkol sa nangyari.
“Sa ginawang panghahamon ni Calida kay Atty. Navallo, hindi siya umasal base sa pamantayan ng isang opisyal ng korte at isang mataas na opisyal ng gobyerno. Isa itong insulto sa karapatan naming mag-report,” sabi sa pahayag.
Pati ang National Union of Journalists in the Philippines (NUJP), kinondena ang mga aksyon ng SolGen sa isang pahayag, “Ang kayabangan ni Calida ay halimbawa ng pagiging isang ‘factotum’ ng gobyerno na nag-aakalang pwede niyang gamitin ang posisyon niya sa maling paraan.”
Sabi naman ng National Union of Lawyers in the Philippines (NUPL), “Ang naging aksyon ni Calida—na bunga ng paulit-ulit na pagbabanta ng Pangulo sa ABS-CBN—ay nagpapakita ng tangkang pagtatakip at pagpipigil, na nakabalat-kayo bilang isang legal na aksyon para ‘matigil ang mga abusadong gawain.’”
Ang bongga, ha! Mukhang malayo ang mararating ng lawyer-reporter na si Atty. Mike! Abangan natin ang mga reports niya tungkol sa franchise renewal ng Dos.