Anumang paninira ang ibato ngayon laban sa Pambansang Bae ay mangangawit lang ang dila ng mga taong hindi masaya sa kanyang tagumpay.
Kailangan nilang tanggapin na panahon talaga ngayon ni Alden Richards, at kapag tunay na kakampi ng artista ang kapalaran, anumang paninira ang gawin ng kahit sino ay mababalewala lang ‘yun.
Maganda ang ginagawang depensa ni Alden Richards sa mga umuupak sa kanya, pananahimik, hindi niya binibigyan ng panahon ang mga taong walang magawa sa buhay.
‘Yun pa naman ang nakakainis, ‘yung sigaw na sila nang sigaw ay parang wala namang naririnig ang taong pinupupog nila, pero ‘yun ang pinakatamang dapat gawin ni Alden.
Habang patuloy ang pagdating ng mga biyaya sa kanya ay palampasin niya na lang ang mga kanegahan ng ibang tao, makababawas lang ‘yun sa kanyang energy, lalo na ngayong kaliwa’t kanan ang dating ng kanyang mga proyekto.
Nu’ng nakaraang Huwebes nang gabi ay personal na tinanggap ni Alden ang Best Actor award na ipinagkaloob sa kanyang pagganap sa seryeng The Gift ng GEMS (Guild of Educators, Mentors and Students).
Ang tahimik na bulwagan ay biglang nabulabog nang dumating ang singer-actor. May mga sumalubong at pumaikot sa kanya para makaiwas sa pagkakagulo ng audience, pero hindi nila ‘yun kinaya.
Sabi ni Teacher NL, ang nagtatag at tagapamuno ng GEMS, “Hindi naman kasi namin alam na ganu’n pala kalakas at kasikat si Alden, hindi namin siya naiiwas sa pagkakagulo ng mga fans!”
Talagang sa kanya na lang sumentro ang mga dumalo sa awards night na ang karamihan ay mga estudyante, magiliw naman silang pinagbibigyan ni Alden sa pagpaparetrato sa kanya, ganu’n siya talaga tumrato sa ating mga kababayan.
“Ito pong The Gift ang malapit sa puso ko dahil parang naging isang pamilya na kami sa set ng mga kasamahan ko. Nami-miss ko na po sila,” bahagi ng kanyang speech sa pasasalamat sa parangal na ipinagkaloob sa kanya ng GEMS.