INAMIN ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na kasama sa drug watchlist ng pamahalaan ang kontrobersyal na police official na si Lt. Col. Jovie Espenido.
“I can only confirm that he (Espenido) is included in the list… As to the details why he was included, its the PDEA and PNP who can answer that,” sabi ni Año sa mga reporter.
Matatandaan na si Espenido ay dating pinuri ni Pangulong Duterte para sa pangunguna sa ilang operasyon kontra iligal na droga, kabilang ang mga nauwi sa pagkakapatay sa mga alkalde ng Albuera, Leyte, at Ozamiz City, ilang taon na ang nakaraan.
Minsan ding inutos ng Pangulo na ilipat si Espinido sa Bacolod City para wakasan ang kalakalan ng iligal na droga doon.
Iginiit ni Año na sa kabila ng pagkakasama sa drug watchlist, nananatiling inosente si Espinido hangga’t di napapatunayang may kinalaman talaga sa iligal na droga.
“He (Espinido) will undergo validation and adjudication just like the rest… He is still presumed innocent unless proven guilty,” anang kalihim.
“His accomplishments in the past could be a big positive factor to his side during adjudication/validation,” sabi pa ni Año.
Sa kabilang banda, nanatiling tikom ang bibig ni National Police chief Gen. Archie Gamboa sa pagkakilanlan ng 357 pulis na kasama sa drug watchlist. Hindi rin niya kinumpirma kung kasama si Espenido sa mga ito.