GILAS PILIPINAS, JAPAN magkakasukatan

Mga Laro Ngayon
(SM Mall of Asia Arena)

10:30 a.m. Qatar vs Jordan

12:45 a.m. Iran vs India

3:00 p.m. Chinese Taipei vs Hong Kong

5:45 p.m. Kazakhstan vs China

8:30 p.m. Philippines vs Japan

10:30 p.m. Korea vs Bahrain

(Ninoy Aquino  Stadium)
6 p.m. Malaysia vs Thailand

Team Standings
Group E –  Qatar (2-0); Chinese Taipei (2-0); Japan (1-1); Philippines (1-1); Jordan (0-2); Hong Kong (0-2)
Group F – Iran (2-0); Kazakhstan (2-0); Bahrain (1-1); Korea (1-1); India (0-2); China (0-2)

SIMULA na ngayon ang mainit na labanan para sa puntiryang puwesto sa quarterfinals sa 27th FIBA Asia Men’s Championship sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Ang Pilipinas ay makakasukatan ang Japan sa ganap na alas-8:30 ng gabi hanap ang panalo na magpapatibay sa kapit sa ikatlong puwesto sa Group E.

Natalo ang Nationals sa Chinese Taipei, 79-84, sa pagtatapos ng first round group stage noong Sabado ng gabi para kunin ng Taiwanese team ang unang puwesto sa Group A.

Ang nangunang tatlong koponan sa Group A at B ay magkakasama sa Group E at ang Chinese Taipei at Qatar ang nasa unahan sa 2-0 baraha habang ang Pilipinas at Japan ang may 1-1 at wala pang panalo ang Jordan at Hong Kong.

Nasa Group F naman ang Iran, Kazakhstan, Korea, Bahrain, China at India at ang mangungunang apat sa magkabilang pangkat ang uusad sa Last eight na isang crossover, knockout format.

Inako ni national coach Chot Reyes ang responsilidad sa pagkatalo ng Gilas sa larong dinomina nila ang ikatlong yugto nang makalayo ng 13 puntos. Ngunit naubos ang Nationals sa huling yugto at ito ang ikinabagsak ng home team.

Pahinga ang liga kahapon at ang bagay na ito ay inaasahang ginamit ng Gilas para mas maging pulido ang ipakikitang laban sa Japan.

Ito na ang ikapitong pagkikita ng Pilipinas at Japan sa FIBA Asia at dominado ang serye ng Nationals sa 5-1 iskor. Naipanalo rin ng pambansang koponan ang huling dalawang pagtutuos sa iskor na 79-69 at 83-76 na nangyari noong 2009 sa Tokushima, Japan at sa Wuhan, China.

Sina Jayson Castro, Ranidel De Ocampo, Jimmy Alapag, Gabe Norwood,  LA Tenorio at Larry Fonacier ang mga sasandalan sa opensa ngunit dapat na maipakita na ng 6-foot-10 naturalized center Marcus Douthit ang dominanteng paglalaro na kanyang ibinigay sa unang pasok sa Gilas noong 2011.

May double-double output na 12.3 puntos at 10 boards ang ibinibigay ni Douthit sa koponan ngunit mababa ito sa ipinosteng 21.9 puntos, 12.2 boards at 1.3 assists sa huling edisyon.

Isa pang manlalaro na dapat na kuminang na ay si Gary David na nakagawa lamang ng anim na puntos sa tatlong laro mula sa masamang 2-of-18 field goal shooting, tampok ang 0-of-7 sa three-point line.

Bukas ay kalaro ng Nationals ang Qatar bago tapusin ang asignatura sa yugto laban sa Hong Kong.

Read more...