Nora nagtatrabaho kahit may sakit, dedma sa buwis-buhay na eksena

NORA AUNOR

KAHIT malagay sa peligro ang buhay, hindi ipinatitigil o pinapa-pack up ni Nora Aunor ang shooting ng ginagawang teleserye o pelikula.

Ganyan ka-professional ang nag-iisang superstar kaya naman mas lalo siyang hinahangaan at nirerespeto ngayon ng kanyang mga katrabaho, lalo na ng mga taga-produksyon.

Sa ginanap na mediacon kamakalawa ng GMA para sa bago nitong afternoon series na Bilangin ang Bituin sa Langit, puring-puri ng kanyang co-stars si Ate Guy, lalo na ng direktor nilang si Laurice Guillen.

Ayon kay Direk Laurice, kahit masama na ang pakiramdam ni Ate Guy ay hindi raw nito ipinakikita sa set, talagang todo akting pa rin siya kahit na mahihirap pa ang mga eksenang ipinagagawa niya.

“Natutuwa ako sa show na ito kasi magagaling lahat ng artista ko. Alam kong magagaling sila, kaya lalo ko silang hinihingan to show something new, more than what they’ve shown before.

“I’m so happy to work with Nora again after so many years and she’s really a survivor. She’s a true professional.

“Kahit there are times na nakikita mong nahihirapan siya, hindi siya bumibitiw sa eksena hanggang matapos niya ito nang maayos. Grabe ang focus niya kaya hahanga ka talaga,” sey ng award-winning actress-director.
Ayon naman kay Ate Guy, hangga’t kaya niya ay gagawin niya nang walang reklamo dahil alam niyang malaking pera ang masasayang at maraming tao ang maaapektuhan kapag pina-pack up niya ang taping.

Ang pinakamatinding problema lang daw na inaalala niya ay kapag sinusumpong siya ng hika, “Pero kahit na masama ang pakiramdam ko, talagang nagti-taping ako. Hindi ako nali-late,” sey ni Ate Guy.

Excited na si Nora sa pagsisimula ng TV version ng isa sa classic at award-winning films niyang “Bilangin Ang Bituin Sa Langit” na ipinalabas noong 1989 kasama si Tirso Cruz III.

“Marami silang gagawing pagbabago kasi daily teleserye ito and kailangang i-update nila ang story para sa mga viewers natin sa panahon ngayon,” ani Ate Guy.

“Sa movie version, dual role ako, una si Magnolia na gagampanan ngayon ni Mylene Dizon. At ako rin ang gumanap doon sa role ng Maggie sa pelikula, na gagampanan ngayon ni Kyline Alcantara. Pero mas mahaba ngayon ang role ni Cedes dito. Mas madrama at mas pinakapal ang kuwento,” mahabang kuwento ng Superstar.

Magsisimula na ang Bilangin ang Bituin sa Langit sa Feb. 24, sa GMA Afternoon Prime pagkatapos ng Prima Donnas. Kasama rin dito sina Zoren Legaspi, Yasser Marta, Isabel Rivas, Gabby Eigenmann, Candy Pangilinan, Divina Valencia, Ina Feleo, Dante Rivero at Ricky Davao.

Read more...