Mighty team ang Mighty Sports

KAPURI-puri ang ginawa ng Mighty Sports sa nakaraang Dubai International Basketball Championship na sa loob ng tatlong dekada ay pinaghaharian ng mga koponan mula sa Middle East. Ibig sabihin ay hindi makapapel ng husto ang pinakamahuhusay na koponan mula sa Asya at maging sa Europa bago ang paghahari ng Mighty Sports dito kamakailan.

Ibahin n’yo ang Mighty Sports na hindi lang inagaw ang korona sa kampeong Al Riyadi ng Lebanon, kundi winalis pa ang lahat ng kanilang laban mula umpisa hanggang sa pagtatapos ng ligang isa sa pinakaaabangan sa Middle East dahil sa kalidad ng oposisyon. Ibig sabihin, hindi pipitsugin ang mga nakasagupa ng koponan sa torneyong ito.

Ang maganda nito ay hindi lang naman Mighty Sports ang kumuha ng karangalan, kundi muling tumingkad ang pangalan ng Pilipinas sa larangan ng basketball sa internasyonal na tanghalan.

Tunay na ang tagumpay ng Mighty Sports sa Dubai ay maipagmamalaki ng bawat Pilipino. Hindi na lihim sa atin na basketball-crazy ang Pinas at ang panalong ito ay nagbigay-sigla sa lahat ng Pinoy dahil na rin sa samu’t saring trahedya na nangyari at nangyayari hindi lang sa ating bansa kundi sa buong mundo.

Salamat at sariwang hangin ang ating naranasan dahil sa panalo ng Mighty Sports.

Ngunit hindi nagtatapos ang nakatutuwang biyahe ng Mighty Sports. Hindi na lihim na marami ng nakopong torneo ang koponan sa labas ng bansa at Peks Man, huwag kayong magulat kung magpapatuloy ang organisasyon na dalhin ang pangalan ng Pilipinas sa mga malalaking bakbakan tulad ng Jones Cup sa Taipei.

Aminado ang bossing ng Mighty Sports na si Cesar Wongchuking na naka-pokus ang organisasyon sa pagsali sa mga internasyonal na pukpukan.

Malinaw na nais ni Wongchuking na bigyan karangalan ang bansa at dahil na rin sa mahusay at marangal na management ay maganda ang pagpili sa mga manlalarong magsusuot ng uniporme ng koponan.

Isa pa, hindi mababayaran ang kasiyahang binibigay ng bawat panalo ng koponan sa mga OFWs na nagtitiis ng lungkot at nagpapakahirap upang bigyan ng ginhawa ang kani-kanilang mga pamilya.

Oo nga’t nandiyan sina Andray Blatche, Renaldo Balkman, McKenzie Moore at Jelan Kendrick (tadtad rin ng mga reinforcements ang mga kalaban) ay hindi maitatanggi na maganda ang kombinasyon ng mga lokal na manlalaro tulad ng mga collegiate standouts na sina Thirdy Ravena, Isaac Go, Juan at Javi Gomez de Liano at Jaime Malonzo na nakasama nina Joseph Yeo at Beau Belga, Kumpleto rekado ang koponan na ginabayan ni Charles Tiu.

Suportado rin ang Mighty Sports ng Creative Pacific, Go for Gold, Oriental Group, Discovery Primea at Gatorade.

Sa aking palagay ay pabor sa Mighty Sports ang Samahang Basketbol ng Pilipinas sapagkat unang una ay ‘’winning team’’ ito at sariling gastos ang ginagamit sa kanilang paglahok sa internasyonal na labanan.

Tiniyak ni Tiu na handa ang Mighty Sports na dalhin ang pangalan ng bansa ’’anytime, anywhere.’’

San ka pa?

Di kanais-nais na korona

NAGMULA sa Wuhan, gumawa ng kalagiman ang 2019 Novel Corona Virus na hindi rin pinaligtas ang palakasan.

Ito ang napakalungkot na pangyayari na dinala ng nCoV hindi lang sa ating bansa kundi sa internasyonal na tanghalan.

Upang maiwasan at bigyan-proteksyon ang mga atleta at mga manonood ay napasama sa hanay ng mga sangay ng pamahalaan ang Philippine Sports Commission na kailangang baguhin ang mga naka-iskedyul na mga paligsahan, programa at maging ang mga lugar na pagsasanayan ng mga atleta.

Iwas nCoV ang sigaw ng bayan.

Sa unang tingin ay hindi naman ito mahirap gawin, ngunit malaking epekto sa mga atleta ang pagkakaroon ng panibagong iskedyul sapagkat ang kanilang pagsasanay at pagpapakondisyon ay nakabatay sa araw ng labanan.

Dahil sa nCoV ay nag-desisyon ang PSC na hindi na muna ituloy sa mga darating na buwan ang malalaking programa tulad ng 10th ASEAN Para Games, National Sports Summit 2020, Philippine National Games (PNG), Batang Pinoy, at ang Children’s Games.

Nais ng Philippine Paralympic Committee sa ilalim ni Mike Barredo na gawin ang ASEAN Para Games sa Mayo o Setyembre pero depende pa rin ito sa estado ng nCoV sa mga darating na buwan.
Mahirap na hindi katuwang 100 porsyento ang PSC kung isusulong pa rin ang Para Games.

At ito ay alam ni Barredo. Isa pa ay hindi naman tuluyang isinara ang pintuan ng ASEAN Para Games at iba pang mga gawain. Ito ay hindi tuluyang ipinagpaliban at gagawin matapos na mawala na ang nCoV.
Maging ang Philippine Basketball Association (PBA) at ang D-League nito ay ipinagpaliban ang pagbubukas dahil sa outbreak.

Malinaw sa atin ‘yan.

Read more...