NANGHINAYANG ang isang mananaya ng lotto. Hindi kasi niya maipalit ang kanyang tiket na nakatatlong numero na nanalo ng P24 o balik taya.
Hindi naman lukot o naplantsa ang kanyang ticket.
Hindi niya maipalit kasi nag-iba na ang lotto machine na ginagamit sa lotto outlet kung saan siya madalas tumaya. Mas malalaki na ang inilalabas itong resibo ngayon kumpara noon.
Ayon sa teller ay hindi babasahin ng bagong lotto machine nila ang ticket dahil ginawa ito ng lotto machine na dati nilang ginagamit.
At syempre ang resulta nito, hindi niya makukuha ang kanyang premyo.
Hindi naman kasi siya araw-araw tumaya, kung kailan lang mapadaan sa lotto outlet at nagkataon na mayroong laman ang bulsa. Hindi naman niya inakala na sa kanyang muling pagtaya ay iba na ang lotto machine.
Kahit na kitang-kita ang mga numero sa kanyang lumang ticket ay hindi ito babayaran ng teller kung hindi babasahin ng machine. Kapag may tama ang tiket ay maglalabas ng kumpirmasyon ang lotto machine na nanalo nga ito at kung magkano ang tama.
Hindi bale, ang mga premyo na hindi nakuha ay mapupunta naman sa Charity fund na ipantutulong sa mga mahihirap na pasyente.
Kaya lang ano raw ba itong nabalitaan niya na maliit na lang ang tulong na naibibigay ng Philippine Charity Sweepstakes Office.
Malaking pera kasi ng PCSO ang napupunta sa implementasyon ng Universal Health Care.
Napakamot tuloy siya, kung kailan daw nagmahal ang taya sa lotto, mula P20 ay naging P24 na ang taya sa anim na numerong kombinasyon ay saka lumiit ang makukuhang tulong sa PCSO.
Tapos kapag nanalo ka na mahigit sa P10,000 ay kakaltasan pa ang premyo mo ng 20 porsyentong buwis.
Kung P10,100 ang premyo mo, ang buwis ay P2,020 kaya ang maiuuwi mo na lang ay P8,080. Mas malaki pa ‘yung naiuwi ng tumama ng P9,999.
***
Pinahinto pala ng PCSO ang lahat ng Peryahan games. Walang isinapublikong dahilan ang ahensya sa kanilang inilabas na announcement.
At walang sinabi kung kailan ito ibabalik o kung ibabalik pa ba.
Noong una ay pinahinto ni Pangulong Duterte ang operasyon ng lahat ng sugal ng PCSO pati lotto. Hindi nagtagal ay isa-isa ring bumalik ang operasyon ng mga sugal na ito.
Ano na naman kaya ang nangyari at ipinatigil ulit ang peryahan?
Peryahan games bakit itinigil?
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...