“TOTOO bang magsasara na ang ABS-CBN? Totoo po!!!” Yan ang hugot ni Regine Velasquez sa gitna ng usapin ng franchise renewal ng ABS-CBN.
Mas lalo pang uminit ang kontrobersya nang maghain si Solicitor General Jose Calida sa Supreme Court ng quo warranto petition laban sa Kapamilya Network. Kaya naman kanya-kanyang post ang mga Kapamilya stars para ipagtanggol ang istasyong kanilang pinagtatrabahuan.
Isa nga sa matatapang na nagpahayag ng kanyang saloobin tungkol dito ay ang Asia’s Songbird na si Regine. Sa kanyang Instagram, nag-post ng mahabang mensahe ang singer-actress at nanawagan na huwag isara ang network.
Narito ang ilang bahagi ng IG post ng Songbird, “Pano ako kakanta kung wala ng ASAP??? Totoo bang magsasara na ang ABS-CBN? Isa po ito sa mga tanong ng nakakarami.
“TOTOO PO!!!!!!! Anong ibigsabihin nito???? Hindi na po natin mapapanood si Cardo!!!!!!!
“Hindi na natin malalaman pa kung ano ang mayayari sa Love thy woman at Iba pang teleseryeng napalapit na sa mga puso nating lahat. Hindi na natin makikita si Sarah umawit at yumugyug saliw ng TALA.
“Hindi na natin makikita sila Mori, Ange, KZ, Moi, Jona at iba pang magaling na mangaawit bumirit ng libre. Hindi na tayo matatawa kay Alex at Ate nya.
“Hindi na tayo mapapatawa at mabibigyan ng kasiyahan ni Vice Ganda!!!!!! Hindi na tayo makaka discover ng mga bagong mang aawit, bagong idolo. Na makapagbabago sa buhay ng mga napaka talentong mga kabataan natin.
“Hindi na natin mapapanod ng libre ang KathNiel, LizQuen at MayWard. Higit sa lahat wala ng BALITA at importanting impormasyon tayong mapapanood.”
Pagpapatuloy pa ni Regine, “Alam kong sasabihin nyo meron pa namang ibang networks tama kayo and akin lang naman diba parang tinanggalan tayo ng kalayaang pumili ng gusto natin mapanood??
“Maganda rin may pinag pipilian ka dahil alam ng networks yun kaya pinagbubuti talaga ang bawat palabas na mapapanood natin.
“Higit pa dun may laya ang bawat mamamayan pumili kung ano ang makapagpapasaya sa kanila.
“Ang ibig sabihin TAYO ANG PANALO dahil ito ay LIBRE [smile emoji]. Bagamat ako po ay bago pa lamang naninirahan sa tahanang Ito ako naman po ay itinuring totoong kapamilya.”
Dugtong pa niya, “Naliligalig din po ako dahil nakasalalay din po ang aming kabuhayan sa ABS-CBN.
“Naisip ko tuloy….. na kung ako ay naliligalig pano pa ang iba na dito talaga nakasalalay ang buhay nila at pamilya nila.
“Siguro hindi natin mararamdaman agad pag wala at tuluyan na ngang isara ang network.”
“Pero sa kalaunan mararamdaman natin na tayo pala ay natanggalan ng KARAPATAN. Siguro maliit na bagay ito para sayo pero sa amin personal Ito. #wagisaraangabscbn,” aniya pa.
Ngayong March 30, 2020 na mag-e-expire ang franchising broadcast ng ABS-CBN pero hanggang ngayon ay hindi pa rin dinidinig sa Kongreso ang bills na naglalayong maaprubahan ang panibagong 25-year franchise to broadcast ng network.