Brgy cleanup inararo ng SUV: 2 patay, 8 sugatan

DALAWANG tao ang nasawi at walo pa ang nasugatan nang araruhin ng sports utility vehicle ang ilang opisyal ng barangay at residenteng nagsasagawa ng cleanup o paglilinis, sa San Pablo, Isabela, Martes ng umaga.

Dead on arrival sa ospital sina Ambrocio Lagundi at Rodrigo Pacion, kapwa tanod ng Brgy. Ballacayu, ayon sa ulat ng Isabela provincial police.

Sugatan naman ang Sangguniang Kabataan chairman na si Philip Macapagal, isa pang tanod na si Anthony Soriano, at mga residenteng sina Francisco Allata, Redentor Telan, Manuel Dayag, Jose Villaverde, at Aaron Soriano, 17.

Nagtamo rin ng pinsala sa katawan ang driver ng SUV na si Marcial Que Jr., 29, residente ng Tumauini at isa umanong doktor.

Naganap ang insidente sa bahagi ng National Highway na malapit sa Ballacayu Bridge, dakong alas-9:50.

Minamaneho noon ni Que ang Mitsubishi Montero (AVR-1979) patungong timog.

Lumabas sa imbestigasyon na bago iyo’y inunahan ni Que ang isang motorsiklo at di napansin na may mga kasalubong nang sasakyan.

Nawalan umano siya ng kontrol sa manibela nang iwasan ang mga kasalubong, hanggang sa maararo ang mga barangay official at residenteng nagsasagawa ng cleanup sa gilid ng kalsada, pati kanilang mga motorsiklo.

Dinala ang mga naararong barangay official at residente sa Milagros District Hospital, pero di umabot nang buhay ang dalawa.

Itinakbo naman si Que sa isang pagamutan sa Tuguegarao City, Cagayan.

Read more...