NAGLABAS ng official statement ang ABS-CBN hinggil sa quo warranto case na isinampa ni Solicitor General (SolGen) Jose Calida sa Supreme Court dahil sa umano’y mga paglabag sa legislative franchise nito.
Nais nitong bawian ng prangkisa ang TV network mahigit isang buwan bago mag-expire ang 25-year franchise nito sa darating na March 30.
Narito ang kumpletong pahayag ng Kapamilya Network: “Maaaring mauwi sa pagpapasara ng ABS-CBN ang quo warranto case na isinampa ng Office of the Solicitor General laban sa aming kompanya dahil sa umano’y mga paglabag namin sa franchise.
“Makakasama ito sa milyon-milyong Pilipinong umaasa sa ABS-CBN sa paghahatid ng balita, serbisyo publiko, at libangan.
“Walang basehan ang mga alegasyon ng Office of the Solicitor General na nakalahad sa nilabas nitong press statement. Sumusunod ang ABS-CBN sa mga batas kaugnay ng aming prangkisa at aprubado ang operasyon namin ng mga kaukulang sangay ng gobyerno.
“1. Aprubado, may permiso ng gobyerno, at hindi labag sa franchise ang lahat ng mga serbisyo namin sa broadcast, kasama na ang KBO.
“2. Masusing sinuri at inaprubahan ng Securities and Exchange Commission at Philippine Stock Exchange ang Philippine Deposit Receipts o PDRs ng ABS-CBN Holdings bago ito inialok sa publiko. Ang PDRs ay mga instrumento na ginamit din ng ibang broadcast companies upang makalikom ng pondo para sa patuloy na pagpapabuti ng serbisyo.
“3. Ang pagmamay-ari ng ABS-CBN sa ABS-CBN Convergence ay sumailalim sa parehong mga batas at estrukturang sinusundan din ng ibang telecommunication companies. Aprubado ang mga ito ng Public Telecommunications Policy Act at ayon ito sa batas.
“Nais naming idiin na lahat ng ginagawa ng ABS-CBN ay sumasang-ayon sa batas. Hindi namin nilabag ang batas. Ang kasong ito ay tila isang pagtatangka para ipagkait sa mga Pilipino ang mga serbisyo ng ABS-CBN.
“Nananatiling isa sa pinakamurang paraan ng paglilibang para sa publiko ang KBO. Nakakapaghatid kami ng serbisyo sa halos 90 porsyento ng Pilipinas at sa mga OFW’s sa buong mundo dahil sa pondo na naipundar namin gamit ang PDRs. At sinusuportahan namin ang patakaran ng gobyerno na pababain ang halaga ng internet access para sa buong populasyon sa ilalim ng ABS-CBN Convergence.
“Nangako ang Senado, House of Representatives, at ang executive branch ng gobyerno sa publiko na dadaan sa maayos at patas na proseso ang aming franchise renewal. Kaya hindi napapanahon ang pagsasampa ng quo warranto case lalo na’t nagpapatuloy na ang sesyon ng Kongreso.
“Mananatili kaming tapat sa paglilingkod sa publiko lalo na ngayon na milyon-milyong Pilipino ang umaasa sa aming paghahatid ng balita tungkol sa novel coronavirus at mga pangyayari sa Middle East at sa Bulkang Taal na sinusubaybayan ng ating mga Kapamilya.”