Kahit senior citizen pwede pa rin magtrabaho

MAY mga tagasubaybay tayo na nagtatanong kung maaari pa bang mag-apply ng trabaho ang isang senior citizen? Ano ang kanilang mga karapatan bilang empleyado? At may karapatan din ba ang mga employers na wag silang tanggapin?

Sa una po nating katanungan, ang sagot ay pwede pa pong magtrabaho ang ating mga senior citizens, hangga’t gusto at kaya pang magtrabaho.

Ang ating Constitution ay naghihimok sa ating pamahalaan na sikapin na bigyang prayoridad ang pangangailangan ng ating mga senior citizen (Section 11, Art. XIII). Ito rin ay nagdideklara na obligasyon ng bawat pamilyang Pilipino ang alagaan ang ating matatanda (Section 4, Art. XV).

Dahil dito, ipinasa ang RA 7432, na inamyendahan ng RA 9257 at RA 9994, na naglalayon na suportahan ang kapakanan ng ating mga senior citizens. Ito rin ay naghihimok sa kanila na makibahagi sa ating pamayanan bilang pagkilala na rin sa kanilang naging parte sa pagtaguyod ng bansa at isa na rito ang paghikayat na sila’y magtrabaho.

Ayon sa RA 7432, ang pamahalan ay inaatasan na bigyan ng kaukulang impormasyon at matching services (magpareha) sa mga senior citizen na may gusto at kaya pang magtrabaho. Ang matching services na ito ay mekanismo na naguugnay sa kakayahan ng isang senior sa pangangailangan ng mga kompanya ng trabaho. Ang mga hakbang na ito ay pinapairal ng ating Department of Labor and Employment (DOLE) sa pamamagitan ng kanilang Bureau of Local Employment.

Sa pagkakataon na mabigyan ang ating mga senior citizen ng trabaho, sila ay may mga karapatan kapareho sa karapatan ng ating mga ordinaryong manggagawa gaya na lamang ng: (1) minimum wage – hindi dapat bumaba sa minimum ang sinasahod ng ating mga senior; (2) overtime pay kung sila ay magtrabaho ng lagpas sa walong oras sa isang araw; (3) holiday pay kung sila ay papasok sa araw na dineklarang legal or special non-working holidays; (4) kapantay na oportunidad sa mga ordinaryong manggagawa para sa promotion; (5) pamantayan sa paggawa (labor standards) kagaya ng pagkakaron ng occupational safety and health compliant na pook na pinagtatrabahuan.

Sa usapin naman kung may karapatan ang mga employers na hindi tumanggap ng senior bilang empleyado, ako ay nalulugod na sabihin sa ating mga senior citizen na tagasubaybay na mayroon nang batas na nagbabawal tumanggi o di tumanggap ng senior citizen sa trabaho sa dahilan ng kanilang edad.

Ito ay ang RA 10911 o yung “Anti-Age Discrimination in Employment Act”.

Abangan ninyo ang mga iyan sa susunod nating column next week at aalamin din natin kung may karapatan bang tanggihan ng mga employers ang ating mga matatanda para magtrabaho.

***

Para sa tanong o komento, maaaring mage-mail sa inquirerbandera2016@gmail.com o mag-text sa 09989558253.

Read more...