IKINASAL na ang Kapuso couple na sina Juancho Trivino at Joyce Pring.
Naganap ang wedding kanina sa Sofitel Philippine Plaza, Pasay City na dinaluhan ng kanilang pamilya at malalapit na kaibigan sa loob at labas ng showbiz.
Kung matatandaan, sa Sta. Rosa, Laguna ang unang venue ng kasal pero dahil grabe rin ang epekto ng pagputok ng bulkang Taal sa napili nilang lugar para sa kanilang wedding ay inilipat na lang nila ito.
Ang wedding gown ni Joyce ay gawa ng New York-based bridal salon na Spina Bride at dinisenyo ni Liz Martinez.
Sa ilang litrato na naka-post sa Instagram mula sa ilang guests, makikita si Juancho na maluha-luha habang naglalakad ang bride papunta sa kanya.
Bago pa maganap ang kasalan, nag-post si Juancho ng touching message sa Instagram para kay Joyce. Aniya, “You are my today and all of my tomorrow… See you tomorrow baby @joycepring #PringHomeTheJuan.”
Sa IG post naman ng GMA News anchor at reporter na si Raffy Tima makikita ang ilang eksena sa kasal. Caption niya, “Witnessing a beautiful union. Congratulations and best wishes Juancho and Joyce. #PringHomeTheJuan #juanchoyce.”
Kabilang sa mga primary sponsors ng bagong kasal sina Mike Enriquez at Arnold Clavio. Naroon din ang mga kasamahan nila sa Kapuso morning show na Unang Hirit kabilang na sina Suzi Abrera, Connie Sison, at Lyn Ching.
Nagsimula ang love story ng JuanChoyce sa Unang Hirit at na-engage noong Aug. 3, 2019 sa Boracay.