Trillanes, Noynoy: Anung corruption?

Lito Bautista, Executive Editor

BUKAMBIBIG
nina Antonio Trillanes, ang nakakulong na opisyal ng militar at nanalong senador pero siya ay nakapagtala ng isa sa pinakamalaking ginastos sa biyahe sa bansa’t abroad (nasa selda pa iyon ha; eh paano kung laya at nasa Senado siya?  Tiyak maraming sulok ng daigdaig na ang kanyang mararating); at Sen. Benigno Aquino III ang corruption.  Nanalo si Trillanes dahil naniwala ang mga botante (kawawang mga botante.  Sa kanilang karukhaan ay wala silang paraan para alamin kung nagsasabi ng katotohanan si Trillanes.  Kawawang mga botante.  Sa kanilang kamang-mangan ay di nila alam ang paraan ng gastos sa Armed Forces.  Kawawa ang walang alam na napaniwala niya).
Naniwala ang mga botante na talamak ang katiwalian sa AFP, sa kabila ng pagpapaliwanag ng mga opisyal na di totoo ang mga ito; kundi’y, ang ginawa lamang ni Trillanes ay ibubulalas ang kanyang saloobin sa pamamagitan ng paghakot ng mga panggerang sundalo at handang lumaban (pero hindi naman lumaban) sa puwersa ng militar.
Sa kampanya ni Nonoy, corruption pa rin ang kanyang paraan para manalo, tulad ng ginawa ni Trillanes noon (pero hindi kaya ni Noynoy na patiliin ang kababaihan dahil mas hamak namang guwapo si Trillanes sa kanya, nu).
Kapag tinukoy ang partikular na katiwalian, madaling isampa ang reklamong kriminal at madaling litisin ang sangkot dito.  Pero, sa commercial ni Noynoy, wala siyang tinukoy na partikular na katiwalian.  Kaya walang masasampahan ng kaso.  Kaya, hindi maaaring litisin ang kaso.  May nagrereklamo, pero walang partikular na tao na inirereklamo.
Mas madaling sumigaw ng katiwalian kesa magpaguwapo.  Sa kaso ni Trillanes, guwapo na nga siya, at sumigaw pa ng katiwalian.
Tukuyin naman ni Noynoy kung saan ang problema.  May problema ba sa SCTEX nang daanan nito ang Hacienda Luisita at dumoble ng mas mataas pa sa tao ang presyo ng lupa ng kanyang angkan?  May problema ba nang di ipamahagi ng kanyang nanay ang mga lupain sa Hacienda Luisita at sa halip ay stock option na lang ang ibinigay sa mga magsasaka?
Nasaan ang corruption?  Sino ang sangkot dito?

BANDERA, 021910

Read more...