AIDS: Problema Mo, Problema ng Bayan

NAKAKAALARMA na ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga Pinoy na nahahawa ng HIV at AIDS, partikular na sa hanay ng mga overseas Filipino workers na palaging exposed sa iba’t ibang kultura.
Base sa pinakahuling datos ng Department of Health-National AIDS Registry, nasa 3,951 HIV cases na ang naitatala ng bansa at 815 rito ay nasa stage na ng full-blown AIDS. Ayon din sa datos, 314 sa 815 na tinamaan ng AIDS ay pumanaw na.
Nasa datos din ng departamento na sa kabuuang bilang ng mga HIV at AIDS infected ay 32 porsyento o 1,254 sa kanila ay pawang mga OFWs.
Sa unang anim na buwan ng taong ito, naitala rin ang 362 pinakabagong kaso. Ang pinakamataas ay noong Mayo na may 85 kaso at 40 kaso naman nitong Hunyo.
Hindi malayong tumaas pa ang bilang na ito, ayon na rin sa Trade Union Congress of the Philippines na nagpahayag ng alarma dahil sa hindi yata natututukan ang problema sa AIDS at HIV, partikular na sa hanay ng mga OFW na nag-uuwi ng bilyong-dolyar na remittances.
Ayon sa TUCP, kadalasang nabibiktima ng nakahahawang sakit ay ang mga sailors o seamen na walang kaduda-duda na lantad nga sa sari-saring kultura.
Hindi na rin nag-alangan ang TUCP na magsabi na marami sa kanila ang minsan ay nadadala ng mga kulturang ito, at kung minsan nga ay tuluyang nakalilimot na sa kanilang mga sarili. Dahil dito, sila ang mas mas lantad na maaaring mahawahan ng sakit at makahawa rin.
Wala tayong kinokondena rito, at wala rin namang nagmamalinis. Ang isyu ay kung paano natin masusugpo ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga kapwa nating Pinoy na nabibiktima ng ganitong sakit nang hindi man lamang yata nila nalalaman.
Nauusisa ba ang ating mga kababayan na bago man lang umalis patungong ibang bansa para doon ay magtrabaho kung alam nila ang sakit na ito, ang pagkakaiba ng HIV sa AIDS? Kung saan at paanong paraan sila maaaring mahawa o makahawa? Ano ang dapat gawin sakaling nahawa na o nakahawa na? Anu-ano bang ahensiya ng pamahalaan ang maaaring lapitan sa sandaling magkaroon ng ganitong suliranin? At kung may solusyon pa ba sa ganitong problema?
Para yatang wala.
Kaya dapat lang siguro na maghabol na tayo ngayon. Tama ang punto ng TUCP na dapat lang ay magtulung-tulong ang mga ahensiya ng pamahalaan lalo na ang DOH, Philippine Overseas Employment Administration at Overseas Workers Welfare Administration para sugpuin ito — una sa pamamagitan na rin ng preventive education campaign laban sa AIDS.
Hiling lang namin ay huwag ningas-kugon ang ating pamahalaan sa mga kampanyang tulad nito na ang nakasalalay ay ang pampublikong kalusugan.
At sa ating mga mamamayan na hindi kailanman makaaasa sa sandaang porsyentong commitment ng pamahalaan na pangangalagaan at babantayan nito ang kalusugan ng bayan, ay tayo na ang maging responsable sa ating mga sariling katawan.
Ang responsibilidad ay hindi dapat iatang na lang sa gobyerno, ang pag-iingat ng ating mga katawan ay responsibilidad ng bawat indibidwal sa kanyang sarili at pagkatao, sa kanyang pamilya, partner o asawa, at maging sa kanyang pamayanan.

Bandera Editorial, August 18, 2009

Read more...