HALA! Pinagpistahan sa isang malaking umpukan ang isang sosing female personality na napakalinis sa katawan.
Ngayon lang naging mabenta ang alcohol, face mask at kung anu-ano pang produktong panglaban sa sakit, pero para sa sosing aktres ay matagal nang uso ang paghuhugas ng mga kamay pagkatapos niyang makipag-shake hands.
Ganu’n kuno ang sosyalerang female personality, palagi siyang armado ng alcohol kahit saan siya magpunta, pagsakay na pagsakay niya sa kanyang van ay agad na siyang gagamit nu’n.
Kuwento ng source, “Naku, hindi na kailangan pang may mausong virus para sa girl na ‘yun, matagal na niyang ginagawa ang paggamit ng alcohol sa lahat ng pinupuntahan niyang mataong lugar!
“Nakasanayan na talaga niya ‘yun at wala namang masama sa ginagawa niya. Payo ‘yun sa kanya ng mga doktor niya, kailangan niyang maghugas ng alcohol pagkatapos niyang makipag-mingle sa mga taong hindi niya naman kilala.
“Sa totoo lang, makakalimutan niya ang iba niyang kagamitan kapag umaalis siya ng bahay, pero hinding-hindi ang alcohol niya! Kailangang nasa van na niya ‘yun!” umpisang chika ng aming impormante.
Hindi ang kasosyalan ng female personality ang dahilan ng paggamit niya ng alcohol, ‘yun ang panlaban niya sa sakit, kailangan niyang mag-ingat.
Balik-chika ng aming source, “Aba, napakahirap nga namang magkasakit, lalo na sa mga artistang tulad niya! Malaking problema ‘yun dahil tuluy-tuloy ang mga projects na ginagawa niya!
“Okey lang ang ganu’n, hihintayin pa ba naman niyang magkasakit siya? Kung puwede niya namang maiwasan ang pagkakasakit sa pamamagitan lang ng alcohol, why not, coconut?” sabi uli ng aming source.
Mahilig talaga siyang mag-shopping ng mga handwash, alcohol at iba pang gamit sa CR. Puwede raw tulugan ang kanyang comfort room sa sobrang ganda at laki.
“Bahay na kung tutuusin ang CR niya sa sobrang lawak! Mapapagod ka nga sa paglalakad sa CR pa lang niya, napakalaki talaga at bonggang-bongga ang mga kagamitan niya!
“‘Yun ang hilig niya, galing naman kasi siya sa buena familia, kaya can afford siya! Hindi pagsusuplada ang ginagawa niyang paghuhugas ng alcohol, mapuso ang girl sa maliliit lalo na sa mga alaga niyang hayup!” pagtatapos ng aming impormante.
Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, alam na this, kilalang-kilala n’yo na siya. Saging lang ang may puso?