INATASAN ng Malacanang ang lahat ng pumapasok sa loob ng Palasyo na pumirma ng ‘declaration form’ sa harap ng banta ng novel coronavirus sa bansa.
Sinabi ni Presidential Security Group (PSG) Commander BGen Jose Eriel Niembra na sakop ng kautusan ang lahat, hindi lamang mga bisita at mga miyembro ng media.
“Precautionary measure para sa lahat ng papasok sa Palace, including security detail,” sabi ni Niembra.
Base sa declaration form, kailangan ideklara kung bumisita ang isang tao sa ibang bansa sa nakaraang 14 na araw, lugar na pinuntahan sa Pilipinas sa nakaraang dalawang linggo, kung nagkasakit sa nakalipas na 30 araw, kung nakaranas ng lagnat, ubo, sipon, at hirap sa paghinga sa nakalipas na 14 na araw at kung na-expose sa mga wild na hayop.