SA ikalawang sunod na buwan ay muling bumaba ang singil sa kuryente ng Manila Electric Company.
Mula sa P9.4523 kada kiloWatt hour ang presyo ng kuryente ng Meralco ngayong buwan ay P8.8623 kada kWh. Mas mababa rin ito sa P9.0331/kWh na singil noong Pebrero 2019.
Ang P0.5900/kWh na pagbaba ay nangangahulugan ng P118 bawas sa babayaran ng kumokonsumo ng 200 kwh kada buwan.
Mula Enero ay P1 na ibinaba ng singil ng Meralco.
Ang pagbaba ay dulot ng mas mababang generation charge kasunod ng pagpapatupad ng bagong Power Supply Agreements noong Disyembre 26. Ang generation charge ngayong buwan ay P4.5090/kWh mula sa P4.9039/kWh.
Bumaba rin ang singil sa Wholesale Electricity Spot Market dahil sa mas mababang konsumo. Ang WESM rate ngayong buwan ay P3.0529/kWh. Sa WESM kinukuha ng Meralco ang 23 porsyento ng isinusuplay nitong kuryente.
Tumaas naman ng P0.7429/kWh ang singil ng mga Power Producers at PSA dahil sa bumaba ang suplay ng kuryente dahil sa scheduled outage ng Quezon Power at First NatGas-San Gabriel noong nakaraang buwan.
Bumaba naman ng P0.2839/kWh ang buwis na ipinapasa sa mga kustomer.