Coco, Kapamilya fan clubs, journalists humirit sa ABS-CBN franchise renewal


HIGIT pang tumindi ang panawagan sa pag-renew ng franchise ng ABS-CBN, lalo na ngayong pati ang Kapamilya fans, grupo ng international journalists, at ilang mga kongresista ay nanawagan na sa Kamara na bigyang prayoridad ang franchise bill ng network.

Nakisama ang mga miyembro ng fan groups na Laban Kapamilya at Kapamilya Online Community sa pagdeklara ng suporta sa prangkisa ng ABS-CBN, kasunod ng pag-anunsyo ng apela sa Kongreso ng ilang personalidad mula sa industriya, tulad nina Coco Martin, Joel Lamangan at Ricky Lee ng Artists Task Force Chacha.

Nakibahagi ang nasabing fan groups sa silent protest kasama ang National Union of Journalists (NUJP), College Editors Guild of the Philippines, at Defend Job Philippines na ginanap sa labas ng ABS-CBN compound noong Biyernes.

Isang grupo naman ng international journalists na naka-base sa Paris ang nagpahayag din ng kanilang suporta sa ABS-CBN. Nanawagan ang Reporters Without Borders (RSF) sa Philippine Congress na siguraduhin ang survival ng ABS-CBN sa pamamagitan ng pag-renew sa prangkisa nito.

“As the leading TV and radio network, offering independent, verified news and information free of charge to millions of citizens, ABS-CBN plays an absolutely fundamental democratic role in the Philippines,” ayon kay Daniel Bastard, head ng Asia-Pacific desk ng RSF.

Hiling ng grupo sa chairman ng House committee on legislative franchises na si Rep. Franz Alvarez na isama na sa agenda ang franchise renewal ng ABS-CBN. Dagdag ni Bastard, nakasangkalan aniya ang kredibilidad ng demokrasya ng bansa rito.

May siyam na bills na ang naisumite sa Kongreso na naglalayong ma-renew ang broadcast franchise ng kompanya. Nagfile rin si Rep. Edcel Lagman ng resolusyon na humihiling sa House committee na dinigin na “without delay” ang sama-samang franchise bills sa plenary.

Subalit ayon sa Bayan Muna representatives na sina Carlos Zarate at Ferdinand Gaite, hindi pa nakapag-set ng hearing si Rep. Alvarez hanggang ngayon para sa franchise renewal ng TV network sa kabila ng nalalapit na Lenten adjournment ng Kongreso sa Marso 14.

Hiling ni Zarate sa House Speaker at kay Alvarez na makapag-set na ng hearing sa susunod na linggo dahil sa nalalabing oras sa Kamara.

Marami pang grupo ang kamakailan ay nagpahayag na rin ng suporta sa franchise renewal ng ABS-CBN, kasama na ang alyansang Green Thumb Coalition at Philippine Movement for Climate Justice. Anila, malaki ang naging kontribusyon ng TV network sa pagpapalaganap ng kahalagahan ng environment protection at conservation sa pamamagitan ng educational programs, public service, at pagbabalita nito.

Hiniling din ng Concerned Artists of the Philippines sa kanilang mga kasamahan sa entertainment industriya na manawagan sa kapwa Pilipino na suportahan ang pakikilaglaban sa tinatawag ng NUJP na “rape of democracy.”

Read more...