Mabuhay, Pinoy para athletes

MALAPIT sa aking puso ang mga may kapansanan.
Hindi mawaglit sa aking isip ang mga hirap na kanilang pinagdadaanan bawat araw. Hindi mahirap sa atin ang sumakay sa dyip, tumawid, magbihis, pumunta sa comfort room, bumili sa sari-sari store at marami pang mga gawain na nakasanayan na natin.
Ngunit paano ang mga may kapansanan?
Bagamat may mga pagbabago nang naganap upang kahit papaano ay guminhawa ang mga may kapansanan, malayo pa rin tayo kumpara sa ibang mga bansa.
Lumalambot ang aking mapagmahal na puso tuwing makikita ako ng mga taong may pisikal at maging mental na kapansanan.
Kaya naman, laking tuwa ko nang malamang sa ilalim ng pamamahala ni Butch Ramirez ay todo suporta ang Philippine Sports Commission sa mga Pinoy para athletes na sasabak sa ika-10 edisyon ng ASEAN Para Games na gagawin dito sa bansa sa Marso 20-28.
Sa mga hindi nakakaalam, tradisyonal na ginagawa ang mga Para Games o Paralympics matapos ang hosting ng isang bansa ng Olympics, Asian Games, o ng mga pang-rehiyon na multi-sports tulad ng Southeast Asian Games.
Sariwa pa sa ating alaala ang matagumpay na kampanya ng bansa sa nakaraang SEA Games. Naging mitsa ito ng pagkabuklod-buklod ng mga Pilipino at siyempre pa ang pagiging overall champion ay nagpatunay na may angking husay at galing ang ating mga pambansang atleta.
Napatunayan na kung bibigyan ng umaapaw na suporta ang mga atleta kasama ang programang tumututok sa grassroots ay hindi na magmumukhang kawawa ang mga nasyonal.
Ganito ang ginawa ng PSC sa ilalim ng ‘’Sports for All’’ na programa ng pamahalaan.
Dahil sa matagumpay na SEA Games, hindi rin naman maiwasang isipin na tumaas ang inaasahan nating lahat sa dapat maging resulta ng kampanya ng mga Pinoy para athletes.
At hindi ako magtataka kung magawang pumasok ng ating mga pambato sa Top 3 overall lalo’t magpapasiklab sila sa harap ng mga kababayan kasama pa ang walang humpay na suporta ng PSC.
Isa pang maganda rito ay tuluyan nang mapapakinabangan ang mga modernong pasilidad na ginawa ng pamahalaan ng ating mga para athletes at ng kanilang mga katunggali.
Proud tayo.
Basahin ang sinabi ni Team Philippines’ Chef de Mission Francis Diaz: “Si Chairman (Butch) Ramirez, palagi niyang sinasabi na, ‘he has a soft spot in his heart’ para sa mga para-athletes natin. And he truly inspires our Para Athletes for what he does in PSC.”
Kung ihahalintulad sa isang pelikulang tumabo sa takilya, ay ‘‘blockbuster’’ ang ayuda ng PSC na gumagastos sa mga laban sa labas ng bansa bilang bahagi ng paghahanda ng mga para athletes.
Malaki ang pasasalamat ni Diaz sa PSC.
‘‘We are very thankful for that commitment,” aniya.
Malaking pera ang binitiwan ng PSC upang buhatin ang antas ng mga Pinoy para athletes na kinuha ang ika-limang puwesto overall noong 2017 Kuala Lumpur Para Games.
Lumahok ang 80 atleta kasama ang 20 opisyal sa KL at nag-uwi ng kabuuang 69 medalya ang bansa (20 ginto, 20 pilak at 29 tanso).
Dahil host ang Pilipinas ay asahan na isasabak ng bansa ang pinakamalaking bilang ng delegasyon sa kasaysayan ng ASEAN Para Games. Ayon sa talaan, hindi kukulangin sa 250 atleta ang makikipagtagisan ng husay laban sa ating mga kapitbahay.
“Dahil sa ating grassroots development program at sa support ng PSC, lumawak po yung training pool ng ating coaches at naka-identify sila ng mga para-athletes para mapalakas ang national team,” ani Diaz na sinabing pagagandahin ng bansa ang 5th place overall finish.
Dagdag inspirasyon pa sa ating mga para athletes ang mga financial incentives na ibibigay ng PSC sa mga makaka-medalya.
May 16 regular sports ang paglalabanan–archery, athletics, badminton, boccia, bowling, chess, cycling, 7-a-side CP football, goalball, judo, powerlifting, sitting volleyball, swimming, table tennis, triathlon, at wheelchair basketball. Ang para obstacle course ay demonstration sport.
Siguradong muling sisiklab ang mga pangalang Adeline Dumapong-Ancheta, Ernie Gawilan, Josephine Medina, Sander Severino, Samuel Matias, Henry Lopez, Marites Burce, Jerrold Mangliwan, Arthus Bucay, Kim Chi, Jasper Rom at marami pang iba na siguradong mabunying iwawagayway ang bandila ng Pilipinas.
Pagmamahal at paghanga hindi awa ang kailangan ng mga para athletes!

Read more...