24/7 nina Julia at Arjo mala-Walking Dead ang kuwento

PATOK na patok sa social media ang trailer ng bagong teleserye ng ABS-CBN, ang 24/7 ni Julia Montes.

Makakasama niya rito sina Arjo Atayde, Meryll Soriano, JC Santos, Denise Laurel, Edu Manzano, Pepe Herrera at marami pang iba mula sa Dreamscape Entertainment.

Sabado ng tanghali nang ilabas ng Dreamscape sa kanilang Facebook page ang full trailer ng 24/7 at ilang minuto lang ang nakalipas ay umabot na ito sa daang libong likes at views.

Interesting naman kasi ang kuwento ng 24/7 na tumatalakay sa paglaganap ng isang sakit na napapanahon ngayon dahil nga sa corona virus outbreak.

Hindi binanggit sa trailer kung anong klaseng epidemya ang kumalat sa 24/7 dahil base sa napanood namin ay parang wala pang gamot sa nasabing sakit.

Lady guard si Julia sa isang ospital kung saan nagkagulo ang mga tao sa rami ng pasyenteng isinugod doon at lahat ng staff sa nasabing ospital ay nagkakagulo rin dahil kapos sila sa gamot.

Sa pag-alalay ni Julia sa mga maysakit ay kasama pala ang anak nila ni Joross Gamboa sa isinugod at bilang ina ay gagawin niya ang lahat para magamot ito.

Pharmaceutical owner naman si Edu sa serye at ang gamot na makakasugpo sa epidemya ay itinatago nila base na rin sa natuklasan ni Julia.

Sa isang eksena ay ini-interview si Edu ng media at napatingin si Arjo bilang isa sa doktor ng ospital, may kuneksyon kaya silang dalawa kasama na rin si Denise na doktora rin?

Isang raliyista naman si JC na may hawak na placard kung saan nakasulat ang, ‘”Ilabas ang mga gamot!” kaya mas lalong sumiklab ang galit ng mga tao.

Sa huling bahagi ng trailer, ipinakitang may nakitang mga gamot si Julia sa isang tagong kuwarto. Ibinigay niya ito sa doktor pero biglang may bumaril sa kanya.

Ang anunsyo ng Dreamscape Entertainment ay ngayong Pebrero na eere ang 24/7. Ang hula ng ilang netizens, mukhang mala-Walking Dead daw ang bagong serye ni Julia.

Read more...