Dating PBA format mananatili sa Season 45

BUNGA ng patuloy na pagsuporta nito sa programa ng Gilas Pilipinas, pinanatili ng Philippine Basketball Association (PBA) ang format na ginamit nito noong nakaraang taon sa pagbubukas ng ika-45 season ng pro league sa Marso 1.

Ang 2020 playing calendar ng liga ay magsisimula sa season-opening Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum kung saan maghaharap ang five-time defending champion San Miguel Beermen kontra Magnolia Hotshots sa nag-iisang laro ng season opener.

Ang Philippine Cup ay aabot hanggang Hunyo bago sundan ng Commissioner’s Cup na katatampukan ng mga import na mayheight limit na 6-foot-10.

Ang season-ending Governors’ Cup ay magpaparada naman ng mga import na may taas na 6-foot-5 pababa at inaasahang matatapos ito sa Enero ng susunod na taon.

Sinabi ni PBA Board chairman Ricky Vargas na kinailangang gamitin ang format ng nakaraang season para makapagbigay daan sa kampanya ng Gilas Pilipinas na sasabak sa FIBA Asia Cup 2021 qualifiers na magsisimula ngayong buwan.

“We’re trying to move from a calendar year to a flexible year,” sabi ni Vargas sa ginanap na PBA Board annual planning session na nagtapos nitong Biyernes. “We’re going to extend to January 2021 because this (calendar) will accommodate the window of qualifiers for the FIBA Asia Cup. So we organized it on that basis.”

Ang format ng Philippine Cup (Marso 1-Hunyo 17) ay magkakaroon ng walong koponan na papasok sa quarterfinals kung saan top two teams matapos ang elimination round ay may tangang twice-to-beat advantage kontra sa No. 7 at No. 8 seed teams.

Ang No. 3 team vs No. 6 at No. 4 squad vs No. 5 ay isa namang best-of-three series. Ang semifinals at Finals ay pareho namang best-of-seven series.

Ganito rin ang gagamiting format sa Commissioner’s Cup (Hunyo 24-Oktubre 4) bagamat ang semis ay magiging best-of-five at ang finals ay isang best-of-seven series.

Ang Governors’ Cup (Oktubre 11-Enero 29) ay meron namang walong koponan na makakausad sa quarterfinals kung saan ang top four squads ay mayroong twice-to-beat advantage kontra sa apat na koponang nasa lower bracket.

Ang PBA All-Star Game ay gaganapin sa Passi, Iloilo sa Hulyo 10-12 habang hindi naman magsasagawa ang liga ng laro sa Pasko sa ikatlong sunod na taon.

Read more...