Aktres nakabangon mula sa delubyo; nagpagamot, inayos ang trabaho

MARAMING natutuwa sa kasalukuyang takbo ng career ng isang pamosong female personality. Sa wakas, aktibo na uli siya, hindi tulad nu’n na para siyang bulalakaw na biglang lilitaw pero bigla ring nawawala.

Mukhang nakipagkilala na siya sa salitang professionalism. Du’n kasi siya palaging nabobokya, inirereklamo siya ng mga produksiyon, maging ng mga kasamahan niyang artista.

Dapat sana’y malayung-malayo pa ang narating ng babaeng personalidad na ito kung naging propesyonal lang siya. Pero parang balewala lang kasi para sa kanya nu’n ang pag-aartista niya, wala siyang kaseryosohan, mas gusto pa niyang matulog kesa sa magbanat ng buto.

Kuwento ng isang source, “Natuto na siya sa buhay ngayon, alam na niyang hindi na siya bumabata, kaya kailangan na niyang humabol sa panahon habang meron pa.

“Magaling siyang artista, maganda pa rin siya kahit nagkakaedad na siya, saka impernes, mabait ang babaeng ‘yun, walang masamang tinapay para sa kanya,” papuri ng aming chikadorang source tungkol sa female personality.

Maraming nag-iisip na siguro’y dumaan sa isang mahalagang prosesong medikal ang magandang aktres. Nagpagamot siya, may bitbit kasi siyang kung ano mula nu’ng child actress pa lang siya, kaya nagkaganu’n ang career niya.

Balik-chika ng aming impormante, “Nakakaawa rin kasi ang naging kapalaran ng girl, matindi ang pinagdaanan niya. Wala siyang pinakinabangan sa mga pinaghirapan niya nu’n!

“Imagine, trabaho siya nang trabaho, pero hindi niya naman nahahawakan ang pinagpapaguran niya! Kahit naman siguro sino, e, mawawalan ng drive na magtrabaho kung wala naman siyang pakinabang man lang sa mga pinagpupuyatan niya!

“Pero ngayong may karelasyon na siyang iba, wala na siyang bitbit, hindi siya puwersadong magtrabaho. Nu’n kasing bata pa siya hanggang sa nag-teenager siya, e, kailangan niyang magtrabaho nang magtrabaho dahil siya lang ang inaasahan ng pamilya niya!

“Nawalan siya ng ganang mag-work, puro problema ang ibinibigay niya sa production, umaga ang calltime niya, pero dumarating siya nang hapon na!

“Hindi na siya pagong ngayon, mabilis na siyang kumilos at professional na siya! Sayang nga naman kasi ang talent at ganda niya, sa totoo lang!” pagtatapos ng aming source.

Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday at Japs Gersin, kailangan pa bang i-memorize kung sino ang bumabawi nang female personality na ito?

Read more...