PLANTSADO na ang muling pagharap sa kamera bilang aktor ni Sen. Bong Revilla ngayong taon.
Una siyang lalabas sa action-fantasy-series na “Agimat Ng Agila” na mapapanood sa GMA 7. Susundan ito ng isang comedy-adventure movie na isasali niya sa 2020 Metro Manila Film Festival.
“Nagpapasalamat ako sa GMA sa pagtanggap nila sa akin uli. Despite sa mga pinagdaanan ko, nandiyan pa rin sila. Hindi nila ako pinabayaan. Itong project ko, isang proyekto na pambata na, medyo may agimat. Kaya ang title is ‘Agimat Ng Agila,” pagri-reveal ni Sen. Bong sa ginanap na pa-thanksgiving niya for the press.
Dahil big comeback project niya ang “Agimat Ng Agila” on TV kaya promise niya ang kakaibang atake para mas magustuhan ng manonood, “Sabi ko nga, sisiguraduhin natin na maiibigan ng viewers. Kung ano ‘yung hinahanap nila sa mga pelikula ngayon na, matagal-tagal ding nawala, gagawin po natin. We will make sure na magugustuhan ito ng ating mga kababayan.”
Sa Feb. 8 na magsisimula ang taping si Sen. Bong para sa nasabing fantasy series, “Talagang pinaganda ‘yung script, e. ‘Yung mga effects, pinapaganda namin. Pero ie-air siguro ‘to by either March or April.”
Kinumpirma rin ni Sen. Bong ang movie na gagawin niya at planong isali sa 2020 MMFF, “Yeah, matagal na naming pinaplano ang project na ‘yun pero sorpresa pa. Reserved muna. But it’s a comedy-adventure.“
Itinanggi naman ng senador na si Miss Universe 2018 Catriona Gray ang kukunin niyang leading lady for this movie, “Basta ‘yung proyekto pinaghandaan namin at ‘yung effects at pambata ito,” lahad niya.
Naikwento rin niya ang tungkol sa plano ni Sen. Manny Pacquiao na gumawa ng sarili nilang version ng “Expendables” na pinagbidahan nina Sylvester Stallone, Arnold Schwarzenegger at iba pang kilalang international action superstars.
“Actually, ‘pag nandoon kami sa Senate, napag-uusapan at one point. Si Manny ang magpo-produce.”
Nagbigay din ng pahayag si Sen. Bong tungkol sa franchise renewal ng ABS-CBN, “Basta ang masasabi lang natin nasa house pa ‘yan. Kasi, hanggang hindi pumapasa sa Kongreso, kahit naipasa namin ‘yan sa Senado, hindi pa rin siya valid. So, kailangan, mag-emanate siya sa House (of Representatives). At kapag naaprubahan na saka namin ita-tackle sa Senado.”
Kasunod nito, naglabas din ang actor-politician ng tunay niyang nararamdaman sa Kapamilya network, “Personally, based on my experience, marami akong tampo, pero maninindigan ako sa tama. Kailangan sa tama lang tayo. Basta ang puso ko, para sa mamamayang Pilipino.”
Samantala, kahanga-hanga naman ang ginawang record ni Sen. Bong sa loob lang ng anim na buwan niya sa Senado. Nakapagsulong agad siya ng 206 panukala at resolusyon kabilang na ang Salary Standardization Law of 2019 (RA 11466), ang pagtatag ng Malasakit Centers sa bawat lokalidad (RA 11463) at ang Postponement of SK and Barangay Elections (RA 11462).
Apat sa kanyang mga panukalang-batas ang pasado na sa ikatlo at huling pagbasa, ito ang Nightshift Differential Pay for Government Workers, ang pagbuo ng National Transportation Safety Board, Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at ang Road Crash Victims Day of Remembrance.