Dear Aksyon Line,
Magandang umaga po sa inyo. Ako nga po pala si Karen Santiago, nakatira sa Tondo, Manila. Ako po ay nakapagtrabaho na ng dalawang taon kung kayat nagkaroon na rin po ako ng dalawang taon na hulog sa aking SSS, ngunit hindi na po ito nasundan pa sapagkat ako po ay nagkaroon ng karamdaman na kinailangang magstay sa bahay lamang. Nais ko lamang po isangguni kung yun po bang naihulog ko sa SSS ay maaari ko pa rin po bang makuha kahit pa hindi ito umabot ng 36 months?
Lubos po akong nagpapasalamat sa inyo at sa magagawa niyo pong tulong. God bless po!
Karen Santiago***REPLY: Hinggil sa katanungan ni Karen, wala tayong ginagawang refund ng kontribusyon sa mga miyembrong 60 years old pababa.
Sa mga benepisyong maaari n’yang makuha sa SSS, halimbawa ang Sickness, kinakailangan na mayroon siyang tatlong hulog sa nakalipas na 12 buwan bago ang semester ng kanyang pagkakasakit.
Kung nagkasakit siya ngayong Enero 2020, ang semester ng kanyang contingency ay mula October 2019 hanggang March 2020, kinakailangang nakapaghulog siya ng tatlong buwan simula October 2018 hanggang September 2019.
Sa disability naman, maaari siyang mag-apply kung siya ay may maipasa na medical records mula sa kanyang doctor kung saan siya nakapagpakonsulta. Ito naman ay i-eevaluate ng SSS Medical Doctor kung karapat dapat siyang mabigyan ng disability claim. Dahil hanggang 24 months o dalawang taon lamang siya nakapaghulog, lumpsum lang ang makukuha niya dahil para makakuha ng pension sa disability, kinakailangan na 36 months o higit pa ang kanyang naihulog. Thanks,
Maria Cecilia F. Mercado
Social Security Officer IV
7/F, Media Affairs Department
SSS Building, East Avenue, Diliman, Quezon City
Tel No. 8924-7295/VOIP 5053
***
May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maaari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog1977@ gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.
***
Ang inyo pong lingkod ay maaari rin mapakinggan sa Radyo Inquirer DZIQ 990AM sa Programang Let’s Talk; Mag-usap Tayo, tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes, alas-7 hanggang alas-8 ng gabi; at Isyu ng Bayan tuwing Linggo, alas-8 hanggang alas-10 ng umaga. Maaari rin po ninyo na matunghayan o mapanood sa pamamagitan ng live streaming www.ustream.tv/channel/dziq\