ISANG babaeng nagngangalang Imee Hart ay may pasabog. Idedemanda raw nito ng sexual harassment ang kuya ng bayan na si Willie Revillame.
Naging co-host ni Willie sa kanyang game show sa TV5 si Imee Hart, pero hindi rin nagtagal, kinse anyos lang daw ito nu’n nang makaranas ng sexual harassment mula kay Willie.
Hindi na kami lalayo, ang unang tanong namin sa aming sarili ay kung ano ang motibo ng Imee Hart na ito, bakit pagkatapos nang sampung taon ay saka lang ito sisigaw tungkol sa diumano’y sexual harassment na ginawa sa kanya ni Willie.
Sampung taon itong nanahimik, at sa pagitan ng mga panahong ‘yun ay dumadalaw pa ang babaeng ito sa studio ni Willie, ano ang kanyang nakain at plano nitong kasuhan ngayon ng sexual harassment ang aktor-TV host?
Ang babaeng binastos ng kahit sinong lalaki, kung totoo man ‘yun, ay hindi na kailanman makahaharap pa sa nambastos sa kanya. Pero sa Facebook ng Imee Hart na ito ay may mga naka-post pang retrato kasama si Willie at ang mga staff ng Wowowin nang magpunta sila sa Puerto Galera.
Ganu’n ba ang babaeng nakaranas ng hindi maganda sa isang lalaki, sasama pa sa mga lakad ng production staff, makikipagsaya pa sa grupo?
Nakakaawa naman si Willie Revillame, dahil sa sobra niyang yaman na pinaghihirapan niya ay heto, may mga taong nagbabalak na gumawa sa kanya nang hindi maganda.
Sa isang umpukan ay narinig ng mga nandu’n ang salitang danyos perhuwisyos. Pera ang ibig tukuyin. Ganu’n?
Aba, kung ganu’n ang magiging labanan ay sisigaw na ngayon ang bawat Petra at Marya para lang negosyohin si Willie Revillame!