Willie: Sa pag-iisa ko, naiisip ko ang hirap ng mga Batangueño…

WILLIE REVILLAME

Naging matagumpay ang selebrasyon ng kaarawan ni Willie Revillame nu’ng nakaraang Lunes hindi dahil sa bonggang programang ihinanda ng kanyang staff kundi dahil sa live episode ng Wowowin kung saan niya ginawa ang pamamahagi ng tulong at suporta sa mga biktima ng pagputok ng bulkang Taal.

Punumpuno ng mga kagamitan, gamot at pagkain ang buong studio ng Wowowin, nagkaroon din ng telethon para mas madagdagan pa ang mga nalikom nilang produkto mula sa mga sponsors, ginawang makabuluhan ni Willie ang selebrasyon ng kanyang kaarawan.

Para sa isang personalidad na tulad ni Willie na meron na ng lahat-lahat ng pinapangarap ng kahit sino ay mas pinili niyang magpasaya kesa sa tumanggap ng mga regalo sa kanyang birthday.

Sabi ni Willie, “Sa dami ba naman ng mga biyayang ipinagkakaloob sa akin ng Panginoon, hindi ko ba mas iisipin ang mga kababayan nating dumaranas ng kahirapan ngayon?

“Sa pag-iisa ko nga, e, naiisip ko kung anong hirap ang dinaranas ng mga naging biktima ng Taal, kaya agad-agad kong miniting ang staff ko, kami ang magbibigay ng regalo para sa kanila.

“Hindi ko magagawa ito nang ako lang. Nandiyan ang staff ko, ang mga sponsors namin na hindi nagdalawang-isip na magpadala ng mga produkto nila.

“Ang lahat ng naipon namin, iti-turn-over naman namin sa Kapuso Foundation para makarating sa mga biktima ng Taal,” mapusong pahayag ng aktor-TV host.

Maligayang kaarawan uli sa nag-iisang kuya ng buong bayan, mabuhay ka, Willie Revillame!

Read more...