Sharon, Lea nagbabala sa madlang pipol kontra coronavirus; mag-ingat sa fake news

SHARON CUNETA AT LEA SALONGA

NAGPAHAYAG na rin ng pagkabahala ang ilang local celebrities tungkol sa coronavirus outbreak sa ilang bahagi ng China.

Ayon sa ulat, umabot na sa 3,000 katao ang infected ng virus at 80 rito ay namatay na. Dahil dito, inilagay ma sa “emergency level” ng China ang kinatatakutang outbreak.

Dito naman sa Pilipinas, ayon sa Department of Health may 11 pasyenteng inoobserbahan matapos pagsuspetsahan ang mga ito na may coronavirus.

Ilang kilalang personalidad ang nagpahayag ng pagkaalarma sa pagkalat ng nakamamatay na virus, kabilang na riyan sina Lea Salonga, Sharon Cuneta, Bianca Gonzalez, Mike Tan, Jason Abalos at iba pa. Pinaalalahanan nila ang madlang pipol na mas maging maingat ngayon sa kanilang kalusugan.

Isang mahabang mensahe ang ipinost ng Megastar sa kanyang Twitter account tungkol sa nasabing virus para magsilbing warning sa lahat.

“Mag-ingat po tayo sa bagong Coronavirus. Habang pinoproblema pa po natin ang mga epekto sa ating mga kababayan ng pagiging aktibo ng Taal Volcano at sa ashfall, sana po iwasan nating lumaki pang lalo ang ating mga problema pag tayo ay nagkasakit.

“Ang mga symptoms po ng virus pong ito ay flu, pulmonia o pneumonia, hirap sa paghinga. Maaari tayong umiwas sa pamamagitan ng pagsuot ng masks, lalo sa gitna ng maraming tao tulad sa public transportation, etc. At importante po ang HYGIENE, ang laging paghugas ng kamay at paggamit ng sanitizer.

“Ang contact po with animals kung saan-saan ay pinapayo ding huwag gawin. WALA PA PONG GAMOT SA VIRUS NA ITO. Kumakalat na po ang sakit na itong nagsimula sa Wuhan, China sa iba’t ibang bansa, kasama ang South Korea, Japan, Macau, hanggang dito na po sa atin si Pilipinas.”

Samantala, ni-repost naman ng Broadway star na si Lea Salonga sa kanyang Twitter ang isang news item last week tungkol sa isang pamilya na unang nagkaroon ng virus sa Wuhan, China lumipad na patungong Manila.

Tweet ni Lea, “This should be fun (Sarcasm is fully on).”

Ibinahagi rin niya ang isang link sa internet na nagsasabing, “snakes could be the original source of the virus that causes respiratory illness.” “No hate towards the snake-lovers here…” aniya pa.

Nakiusap naman ang TV host na si Bianca Gonzalez sa publiko na huwag basta-basta magse-share ng balita sa social media tungkol sa virus, “…In other news, please stop sharing unverified ‘reports’ from Twitter or Facebook about the Novel Coronavirus.

“Let us help spread info like how to stay protected, and not be part of spreading fear and panic,” paalala pa ni Bianca.

 

 

Read more...