Ilang beses kayang pinag-isipan ni Nadine Lustre ang desisyon niyang lisanin ang Viva Artist Agency na namamahala ng karera niya?
Siguro naman ay alam niya ang consequences nito lalo’t malaking kumpanya pa ang nagpasikat sa kanya. Ilang personalidad na ang napasikat ng Viva at lahat sila ay tinapos ang kontrata bago umalis para nga naman walang gulo.
Anyway, sigurado naman kami na kaya malakas ang loob ng singer/actress na layasan ang VAA ay dahil may nagpayo sa kanyang “puwede” na binanggit din ng legal counsel niyang si Atty. Lorna Kapunan ng Kapunan & Castillo Law Offices at karapatan ni Nadine na i-terminate ang kontrata niya.
Ganito ang kadalasang nangyayari kapag ang isang talent ay hindi na masaya sa kanyang manager.
Pero bumuwelta ang Viva na exclusive contract artist pa rin nila si Nadine, sa madaling sabi hindi siya pinapakawalan at marahil papayagan lang siya kung bibilhin niya ang kontrata niya na siguradong malaking halaga.
Sabi pa sa official statement ng abogado ni Nadine ay ang aktres na ang magma-manage sa sarili niya, sa madaling salita puwede nang dumiretso ang lahat ng gustong kumuha ng serbisyo niya. Lumilitaw na komisyon ang dahilan kaya umalis na ang aktres sa Viva.
Anyway, aware kaya si Nadine na kapag ganitong may legal battle o usapang demandahan ay umaatras ang mga gustong kumuha sa kanya para sa isang movie o TV project? Siyempre ayaw nilang madamay sa gulo.
Nangyari na kasi ito sa isang sikat na aktres at sa kanyang management company. May naisara nang product endorsement na malaki ang bayad sa kanya pero hindi itinuloy ng may-ari ng produkto dahil ayaw niyang masabit sa gusot ng artista at ng manager nito.
At kahit na may downpayment pa sa sikat na aktres ay hindi na ito binawi pa matapos lang ang usapan.