Weight loss program ng mga pulis sisimulan na ng NCRPO

MULING ibabalik ang kampanya kontra pulis na malalaki ang tiyan matapos namang ihayag ng National Capital Regional Office (NCRPO) na sisimulan sa susunod linggo ang programa para sa pagpapayat ng mga pulis.

Sinabi ni NCRPO acting chief Brig. Gen. Debold Sinas na ilulunsad sa Martes sa susunod na linggo ang Body Mass Index (BMI) Reduction program, kung saan aatasan ang lahat ng obese na pulis na lumahok sa programa.

Tiniyak ni Sinas na personal niyang pangungunahan ang weight loss program ng NCRPO.

Ito’y matapos namang ipag-utos ni PNP chief Gen. Archie Gamboa sa lahat ng mga pulis, mula sa patrolman hanggang mga heneral na ranggo, na simulan ang pagpapayat, kung ayaw nilang madiskwalipika na makapag-aral na kailangan sa kanilang promosyon.

“Sa buong NCR, lahat ng Obese II at III, doon po magrereport tapos mabigyan ng lecture kung papaano mag-exercise. They will report at least twice a month,” sabi ni Sinas.

“Doon imo-monitor ‘yung exercise at libre ang pagkain kasi ang pagkain doon puro lettuce at saka carrots at pipino kaya libre. The summer camp naman is controlled,” dagdag ni Sinas.

Idinagdag ni Sinas na hindi kailangang pumasok ng mga pulis na isasailalim sa programa sa summer camp.

“Kumbaga pwersahan na. So pag nag-classify ka sa obese II and III and you have 2 months na mag-reduce substantially. ‘Pag walang progress, forced ka doon sa summer camp. Sa umaga exercise, sa hapon exercise, sa gabi ballroom, libre ang pagkain dyan, sasagutin namin,” dagdag pa ni Sinas.

Sinabi ni Sinas na tinatayang 700 pulis ang pasok sa pagiging overweight.

Read more...