Kahit hindi pa gaanong kumikita ng malaki sa kanyang pag-aartista, hindi nagdalawang-isip ang anak ni Manila Mayor Isko Moreno na si JD Domagoso na i-donate ang talent fee niya sa mga Taal evacuees.
Ayon sa baguhang Kapuso star, yung P50,000 na talent fee niya sa isang project ay kanyang ibinigay para sa mga nasalanta ng pagputok ng bulkang Taal sa Batangas.
Sa pamamagitan ng Facebook Live ng kanyang tatay na si Yorme Isko, naikuwento niya kung bakit siya na-inspire na i-donate ang kanyang P50,000 talent fee.
“May nakita akong story sa Facebook, isang bata, parang gusto lang tumulong, umalis siya sa bahay nila ng gabi para lang makatulong sa mga Taal relief operations.
“‘Tapos pabalik na siya, natamaan siya ng truck. Alam mo ‘yung tutulong ka na lang tapos ikaw pa ‘yung nadamay sa huli? So napaiyak lang ako. Parang the least that I can do is to give money for the Taal operations,” lahad ni JD.
Siyempre, super proud naman ang kanyang tatay at talagang ipinakita pa sa madlang pipol ang tseke ni JD na nakapangalan sa probinsya ng Batangas.