KUMIKINANG ang mga mata nina Kim Chiu at Xian Lim sa media launch ng bago nilang serye sa ABS-CBN, ang “Love Thy Woman.” Fresh from their romantic trip sa Europe, mukhang may hangover pa ang magkasintahan.
Para kina Kim at Xian, malaking bagay daw ang pagta-travel nilang dalawa para mas makilala pa nila ang isa’t isa.
“Masaya. And then, nagawa namin ‘yung gusto namin na meron kaming kasama,” bungad ni Kim sa media and bloggers conference ng “Love Thy Woman.”
Say naman ni Xian, “Tapos, doon mo rin makikilala ‘yung tao. Makikita mo ‘yung patience niya, ‘yung mga mannersim and all things that you don’t really get to see ‘pag nasa comfort zone na kayo.”
Marami pa raw silang gustong puntahan ni Kim at i-explore na mga bansa. Pambubuking ni Kim kay Xian, mainipin daw ang kanyang boyfriend.
“Ako (mahaba ang pasensya), gutumin ‘to (Xian), e. ‘Pag hindi siya pinapakain lumalabas na ‘yung ano niya (sungay), rawr!” natatawang pahayag ng aktres.
When asked on how he loves her woman, sagot ni Xian, “Wholeheartedly, buong puso.”
At nu’ng si Kim naman ang tinanong on how much she loves her man, “Ay, ‘di kasali sa title yun. Hanggang woman lang daw ‘yung title,” biro ni Kim. “Hindi mo naman na kailangang sabihin, ‘di ba?” dugtong niya.
Huling nagsama sa serye sina Kim at Xian sa “The Story of Us.” And on Feb. 10 naman ang start ng “Love Thy Woman” sa Kapamilya Gold.
Si Kim ang tinaguriang Primetime Princess. Kaya ang tanong ng ibang manunulat ay kung bakit sa Kapamilya Gold (pang-hapong airtime ng Dos) ipalalabas ang “Love Thy Woman.”
“Siguro sa panahon ngayon wala na ‘yung panggabi, pang-umaga o panghapon. Kasi, meron na ring iWant TV na. And then, may internet na. And then, hindi naman sukatan ng pagiging artista mo kung saan ka ilagay. Siguro ganoon. Same energy, same effort.
“Parehas lang ‘yun, parehas lang na akting ang ibibigay mo. Hindi naman tsa-chopsuey ‘yan. Hindi ka naman ilalagay doon kung hindi ka pinagkakatiwalaan,” esplika ni Kim.
Sa “Love Thy Woman” ay tatalakayin ang tungkol sa “arranged marriage” na isa sa mga kaugalian ng mga Intsik. At dahil may Chinese blood si Kim, inalam namin kung may insidente ba na ipinasok siya ng parents niya sa isang “arranged marriage.”
“May arranged marriage lang po kapag sobrang yaman ng pamilya ko. Pero kapag Chinese ka na sakto lang ang pera mo, wala naman. Ha-hahaha!” tugon niya.
And speaking of marriage, inaantabayanan na ng publiko kung kailan magpo-propose si Xian kay Kim, “E, bata pa kami. Matatanda na ‘yung mga nagpapakasal. Matanda talaga? Ha-hahaha. Mas older sa amin. And gusto pa naming mag-travel.”
Madiin ding sinabi ni Xian na hindi pa nila napapag-usapan ni Kim ang tungkol sa kasal. Sabi naman ni Kim, “Huwag na nating anuhin, unahan, or, dito muna tayo.”
Among this generation’s couple, isa sa matibay daw ang relasyong Kim and Xian. Curious tuloy kaming malaman kung ano ang sikreto ng matagal at matatag na relasyon nila.
“Yun nga, hindi namin pinag-uusapan ang future. Everyday lang kami. We take, ano ba?” pasalong-tanong ni Kim kay Xian.
Sagot naman ni Xian, “One step at a time. And, I guess, kung ano ‘yung secret sa relationship namin, ako I’ll put some cotton to it. I think it’s more of we let each other grow as artists. Or kumbaga, si Kim she has the freedom to do everything she wants as an artist.
“And she also gives me the freedom to whatever it is that I feel I needed to do. So, I think, doon kami naggo-grow together. Hindi namin hawak sa leeg ‘yung isa’t isa. That’s one of the secrets, I guess,” paliwanag ng aktor.
Dahil diyan, hiningan sila ng advice para sa mga showbiz couple na naghihiwalay, “I think maybe ‘yung trust and respeto with one another. And, just let each other grow, separately and together.”
At dahil malapit na rin ang Valentine’s Day, may plano na ba sila on this special day? “Walang plano, e. Everyday is Valentine’s Day sa amin,” sambit ni Xian.