MARAMING nanghihinayang sa kinauwian ng bonggang-bonggang international career ng isang pamosong female singer.
Marami siyang pinadapang kasamahang singers, marami siyang kinabog, talagang naabot niya ang estadong pinapangarap lang ng kanyang mga kahanay.
Pero pagkatapos lang nang ilang taon ay nawala siyang bigla sa eksena, napapanood man siya ay paminsan-minsan lang, may mga pagkakataon pa ngang nakabibingi ang pananahimik ng kanyang singing career.
Anyare? Bakit nagkaganu’n ang dating matagumpay na career ng female singer? Ano na ang nangyari sa kanyang mga pangarap?
Kuwento ng isang source, “Nakakalungkot talaga ang nangyari sa kanya. Imagine, nandu’n na siya, e! Siya lang ang napakapalad na maka-duet sa stage ang mga pinakasikat na international singers, siya lang ang Pinoy na nabigyan ng ganu’n katinding attention sa international stage!
“Talagang kinabog niya ang lahat ng mga kasamahan niya, siya lang ang nakagawa ng ganu’n, wala nang iba pa!” madiing unang kuwento ng aming source.
Pero nagkaroon ng pagbabago sa kanyang personal na buhay. Ipinagbanduhan ng female singer ang tunay niyang kasarian. Walang nakapigil sa paglalantad niya sa tunay niyang kaligayahan.
Patuloy ng aming impormante, “Du’n na nagsimulang gumiwang-giwang ang kanyang singing career. Ang balita nga, e, nagalit sa ginawa niya ang isang international producer-composer na napakarami pa palang nakahandang plano para sa kanya!
“Ang sabi niya nu’n, e, nagpaalam siya sa mga taong tumutulong sa singing career niya, pero hindi naman pala! Du’n na nagsimulang mawala ang mga connections niya, pati ang mga shows niya abroad, cancelled!
“At nu’n na rin nagsimulang bumagsak ang kabuhayan showcase niya, hindi na niya malaman kung saan napunta ang mga naipon niya, pati ang mga naipundar niyang properties!
“Sana nga, e, ang physical appearance na lang niya ang binago niya, hindi na niya isinali pa ang boses niyang pinapalakpakan talaga kahit ng mga international singers!
“Maligaya siya ngayon sa ginawa niyang pag-a-out, pero paano naman ang mga pangarap niya? Paano na ang kabuhayan niya? Wala nang kumukuha sa kanya sa ibang bansa, matumal din ang career niya rito!
“Nakapanghihinayang siya. Naudlot ang mga pangarap niya na hindi niya naman nakayang gawin nang magdamag lang!” pagtatapos ng aming source.
Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, alam na this, hindi na kayo mauupo n’yan sa Row 4 na katabi ang mabahong basurahan.