NAPANINDIGAN nina Megan Young at Mikael Daez ang sinabi nila noon na gugulatin na lang nila ang publiko sa kanilang pagpapakasal.
Nitong Sabado, ginanap na nga ang kanilang intimate wedding sa San Roque Chapel sa Subic, Zambales na dinaluhan ng kanilang pamilya at malalapit na kaibigan.
At tulad ng laging sinasabi nina Mikael at Megan, mas gusto nila yung tahimik at walang masyadong “ingay” na kasal. Ayon nga sa ilang kaibigan ng Kapuso couple, chilax (chill at relax) lang ang wedding at super fun.
Sa ilang video na kumalat sa social media, pagkatapos ng wedding ay naganap naman ang boho-themed reception sa El Kabayo Riding Staples, isang horse farm sa Subic.
Iilan lang daw ang mga celebrities na nasa kasal, bukod sa younger sister ni Megan na si Lauren Young, nandoon din si Saab Magalona at ang model na si Brent Javier.
Sa kanyang Instagram post, binati ni Lauren ang bagong kasal, “Bonez and Fofo forever! Welcome to the family, Mikael! I love you guys [heart emoji].” “Bonez” ang tawag ni Mikael kay Megan habang “Fofo” naman ang pet name ng Miss World sa kanyang asawa.