Dapat maging handa sa banta ng coronavirus

UMABOT na sa mahigit 40 ang mga nasawi sa China dahil sa coronavirus at parami nang parami ang mga bansang apektado nito.
Ayon sa ulat ng National Health Commission, tinatayang 1,287 ang nahawaaan na ng virus.
Base sa pinakahuling ulat, tinatayang 29 probinsya sa China ang nadagdag sa listahan, kung saan 237 pasyente ang nasa malubhang nasugatan.
Sa kabuuang 41 bilang ng mga nasawi sa China, 39 dito ay nagmula sa Hubei.
Samantala, inihayag ng Australia ang unang kaso nito.
Iniulat din ng Malaysia na nagpositibo ang tatlong katao sa coronavirus.
Base pa sa ulat, tatlo katao ang tinamaan na ng virus sa France, ang unang kaso sa Europe.
Samantala, iniulat din ang ikalawang kaso sa United States.
Sinabi ng World Health Organization (WHO) na hindi pa batid kung gaano kaseryoso ang bagong coronavirus.
“It’s still too early to draw conclusions about how severe the virus is because at the beginning of any outbreak you would focus more on the severe cases,” sabi ni Tarik Jasarevic, spokesman ng World Health Organization sa Geneva. “And then maybe we are missing some mild cases because people will just be a little bit sick and will not have it tested. And they will recover.”
Kabilang sa mga bansa na apektado ng ng coronavirus ay Hong Kong, Macao, South Korea, Japan, Singapore, Thailand, Taiwan, Vietnam, Nepal, Australia at Malaysia.
Dito sa ating bansa, sinabi ng Department of Health (DOH) na bagamat wala pang kumpirmadong kaso ng coronavirus sa bansa, nakahanda naman ang pamahalaan sakaling makapasok ito sa bansa.
May paalala rin ang DOH sa publiko para makaiwas sa coronavirus.
Kabilang dito ang regular na paghuhugas ng kamay, takpan ang ilong at bibig kapag uubo at babahin gamit ang braso.
Iwasan din makihalubilo kapag masama ang pakiramdam, may lagnat, sipon, ubo at hirap sa paghinga.
Sakaling magkaroon ng kaso sa bansa, hindi na rin maiiwasan ang paggamit ng facemask bilang proteksyon.
Sa bagong sakit na kumakalat sa buong mundo, bukod sa pag-iingat, kailangan din natin ng dasal na naway hindi na ito maging isang pandemic.

Read more...