KABADO pero natsa-challenge si former Sen. Jinggoy Estrada sa pagbabalik niya sa pag-arte makalipas ang pitong taon.
Muling humarap ang actor-politician sa entertainment media kamakalawa para sa comeback movie niyang “Coming Home” kung saan makakatambal niya ang award-winning actress na si Sylvia Sanchez.
Ito’y isang family drama sa ilalim ng Maverick Films at ALV Films sa direksyon ni Adolf Alix, Jr., kung saan gaganap na mag-asawa sina Ibyang at Jinggoy na dadaan sa iba’t ibang mga pagsubok sa kanilang pagsasama.
“Sabi ko nga during my past interviews, the only fear that I have is I might not be at par in terms of acting. Because I have been inactive in movies in the past seven years.
“Siguro tuturuan na ako ni Bisaya (Sylvia) umarte sa mga eksena namin. I’m very, very happy kasi nagbabalik na ako dito sa una kong minahal, ang pag-aartista,” lahad ng dating senador na gaganap ding OFW sa Middle East na magkakaroon ng kabit.
Ayon naman kay Sylvia, tinanggap niya ang pelikula dahil ibang klaseng kuwento naman ito ng pamilya, “Kasi baka sabihin nila about family na naman, tulad ng mga ginagawa kong teleserye tapos may kabit na naman.
“Pero nu’ng binasa ko yung script, ang ganda! Nagustuhan ko agad kaya sabi ko, gagawin ko ito, aside from the fact na first time naming magsasama ni Sen. Jinggoy,” paliwanag ni Ibyang.
May pakiusap lang ang Kapamilya actress sa dating senador kapag nagsimula na ang kanilang shooting, “Basta ang sabi ko sa kanya try naming mag-one take lang kasi nakikita ko baka matawa kami nang matawa sa set. So, sabi ko mag-effort kami na take one lang mga drama scenes namin.”
Ang gaganap namang other woman ni Jinggoy sa pelikula ay ang dating beauty queen na si Ariella “Ara” Arida. Ito ang kanyang unang movie at kabit pa ang magiging role niya.
“It’s such an honor for me na makasama ang ating mga batikang mga aktor at aktres. Kaya I’m so excited na masimulan na po itong movie kasi mayroon siyang magandang story na maaantig ang ating mga puso,” sey ni Ariella.
Pareho namang game sina Jinggoy at Ara sakaling magkaroon sila ng halikan at love scene sa “Coming Home”.
“Direk Adolf. Hahahaha!” natatawang hirit ni Jinggoy sa kanilang direktor. “Habaan ang take ha!”
Sey naman ni Ara, “Meron nga raw po, pero I guess part talaga ito ng movie. Kung maayos ang tema, kung ano ang sabihin ni Direk Adolf, gagawin ko lang.”
Ka-join din sa pelikula ang kapatid ni Jinggoy na si Jake Ejercito at anak niyang si Julian Estrada, Martin del Rosario, Edgar Allan Guzman, Vin Abrenica, Smokey Manoloto, Almira Muhluch at marami pang iba.
Magsisimula na ngayong araw ang shooting ng “Coming Home” at nakatakdang ipasa para sa Summer Metro Manila Film Festival 2020, na magaganap sa April.