DAMAY din pala si Khalil Ramos at ang girlfriend nitong si Gabbi Garcia sa umano’y galit ni Julia Barretto kina Joshua Garcia at Janella Salvador.
Matapos i-delete ang ex-boyfriend at ang kaibigang si Janella sa mga pina-follow niya sa Instagram, sumunod niyang in-unfollow ang mga kaibigang sina Khalil at Gabbi.
Wala raw idea si Khalil kung bakit in-unfollow sila ni Julia sa IG, “I haven’t talked to Julia about it, pero si Gabbi invited her for dinner. Pero we don’t really know.”
“Pero as friends of Julia, we really support whatever she’s going through. We showed naman our support to her. Sabi namin, ‘We’re here whenever you need us, whenever you need someone to talk to,'” pahayag pa ng Kapamilya actor sa nakaraang mediacon para sa bago niyang project sa iWant, ang “Adik” na unang handog ng drama anthology na “Ampalaya Chronicles”.
“Regarding the whole unfollow thing, I’m really clueless. But siyempre, it would be really nice to know, pero I respect it. If she doesn’t wanna talk about it, then I’m fine with that,” aniya pa.
Kung matatandaan, in-unfollow ni Julia sa IG si Joshua matapos itong mag-post ng sweet photos nila ni Janella sa social media na kuha sa thanksgiving party ng pinagsamahan nilang teleserye, ang The Killer Bride.
Sa presscon ng “Ampalaya Chronicles” binati at kinantahan si Khalil ng “Happy Birthday”, he just turned 24 last Jan. 22. Sa kanyang “thank you speech” inamin niya na sa tuwing sasapit ang kanyang kaarawan, napapaisip siya kung ano pa ang mga gusto niyang mangyari sa kanyang buhay.
“Every January, lagi siyang nagiging test for me. New Year, di ba? Ang daming iisipin, New Year’s resolution, coming from the holidays, going back to work, and then celebrating my birthday. For me, it’s always kinda like a reset.
“Isipin ko kung ano yung plano this year and years, and the coming decade…so, my birthday wish siguro is I want siguro more clarity in terms of… in the coming years, and more guidance towards the path I want to take in terms of my career. Thankfully, I’m very blessed with family that is very loving, na problem-free, and of course, the relationship that I truly treasure,” chika pa ng aktor na ang tinutukoy ay ang relasyon nila ni Gabbi.
* * *
Bukod sa primetime series ng ABS-CBN na “Make It With You” nina Liza Soberano at Enrique Gil, ang “Adik” episode nila ni Elisse Joson ang unang handog ng “Ampalaya Chronicles” na napapanood na ngayon sa iWant.
Mapait at mahapdi ang unang pagsasama nina Khalil Ramos at Elisse Joson sa isang kwento ng pag-ibig na hindi masusuklian sa unang episode ng nasabing digital anthology series.
Ito ay base sa best-selling book at stage performances ng “spoken word” na “Ampalaya Monologues” ni Mark Ghosn na pumatok sa kabataan na nakaka-relate sa mga tulang idinedetalye ang sakit na dinudulot ng pagmamahal.
Iikot ang pilot episode na “Adik,” sa mahiyaing manunula na si Carlo (Khalil) na ang tanging gusto lang ay mapalapit sa kanyang natitipuhang si Nina (Elisse). Matutupad naman ang hiling ni Carlo, dahil lalapit si Nina sa kanya upang humingi ng tulong sa pagsulat ng tula para sa talent portion ng beauty contest na sasalihan nito.
Sa paglalapit ng kanilang mga loob, hindi maiiwasan ni Carlo na umasang magustuhan na rin siya ng dalaga. Ngunit matapos ang kanyang oras na binigay, mapagtatanto ni Carlo na maaaring sa tula na lamang ang pag-iibigang kanyang inaasam. Siguradong marami ang makaka-relate sa kuwento nina Carlo at Nina at kayo na ang humusga kung sino sa kanila ang dapat lumigaya at kung sino ang dapat makarma.
Batay sa piyesa na may parehong titulo ang “Adik” ng spoken word artist na si Carlo Hornilla na nakakuha ng 8.2 million views sa Facebook at ang kauna-unahang Pinoy spoken word performance na nag-viral sa Spotify, ito ay mula direksyon ni Real Florido, produksyon ng Firestarters Production at isinulat ni Florence Henzon.
Sumabak sa hugutan at panoorin ang “Ampalaya Chronicles” sa iWant app o sa iwant.ph.