PAHIRAPAN pala ang pagpapauwi ngayon sa ating mga kababayan mula sa Iraq.
Ayon mismo kay Special Envoy to the Middle East Roy Cimatu, humihingi nga ng 10,000 USD ang mga Iraqi employers ng mga Pinoy doon para payagang pauwiin ang mga ito.
Gayong matagal nang pinatutupad ang “total deployment ban” sa Iraq, marami pa rin ang nakalusot sa kanila at nagtatrabaho sa Iraq kahit wala naman silang mga legal na dokumento.
Sabi ng mga employers, reimbursement ‘anya iyon para sa mga nagastos nila sa pagkuha ng ating kabayan, na ibinayad naman nila sa mga illegal recruiters ng mga ito.
Hindi sila tinatagurian ng Bantay OCW bilang mga OFW dahil hindi sila dumaan sa legal na pamamaraan tulad ng pagpo-proseso ng kanilang mga dokumento mula sa POEA. Na hinding-hindi naman talaga nila magagawa dahil ipinagbabawal nga ang pagpapaalis ng Pinoy patungo ng Iraq.
Masakit mang banggitin, pero sila yaong mga “willing victims”. Alam nilang hindi tama, at walang job order sa Iraq pero pumayag pa rin silang umalis dahil ang katotohanan, sabi nung isang misis na nasa Iraq ang asawa, “malaki” anya ang suweldo.
Sa unang batch na nakauwi, na may bilang lamang na 13 katao kasama na ang 2 menor de edad, na delay pa ‘anya ang mga ito dahil sinundan sila ng kanilang mga employers at dahil hindi pa kasi ‘anya nakakapag bayad ng kalahating milyong piso na katumbas na halaga sa ating pera. Kaya dinala pa sila sa detention center sa airport.
Nagpapasalamat naman si Cimatu sa Charge de Affaires ng Baghdad dahil hindi ‘anya nito iniwan ang ating mga kababayan hanggang sa malutas ang naturang usapin.
Ang tanong: Nasaan yaong mga illegal recruiters at kakutsaba nila sa airport na nagpa alis sa ating mga kababayan at kumita ng napakalaking halaga mula sa mga employers na ito?
Sila ang dapat na papanagutin sa usaping ito dahil sa kanila napunta ang malaking halagang iyon.
Isip-isipin ninyo… sa panahon ng paglilikas, na dapat ay apurahan na… Pera pa rin ang pinag-uusapan?
***
Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com
Illegal recruiter dapat habulin ng Iraqi employers
READ NEXT
The Twelve Apostles
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...