Marinerong Pilipino asinta ang PBA D-League Aspirant’s Cup title

 

DUMALO sina (mula kaliwa) Jayboy Solis, assistant coach Jonathan Banal at James Laput ng Marinerong Pilipino Skippers sa ginanap na TOPS Usapang Sports forum Huwebes ng umaga sa National Press Club sa Intramuros, Maynila.

MATAPOS ang kanilang runner-up finish sa 2019 PBA D-League Foundation Cup nitong nakalipas na Oktubre, wala nang ibang hangad ngayon ang Marinerong Pilipino Skippers kundi ang makapag-uwi ng korona sa pagbubukas ng Aspirant’s Cup ngayong Pebrero 13.

At kung si Marinerong Pilipino assistant coach Jonathan Banal ang tatanungin batid niya na kaya itong gawin ng kanyang koponan.

“We’re a better team now (compared to the Foundation Cup last year). The players and the coaches have learned our lessons and know what to do now to finally win the title,” sabi ni Banal, na nirepresenta si head coach Yong Garcia sa ika-52 edisyon ng “Usapang Sports” forum ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) Huwebes ng umaga sa National Press Club sa Intramuros, Manila.

Sinabi ni Banal na todo ensayo ngayon ang Skippers para maging mas kumpetitibong koponan bago ang pagbubukas ng liga sa darating na buwan kung saan aabot sa 12 team ang sasabak sa torneo.

“Sa tingin ko, mas handa, mas malakas ang team namin ngayon kumpara last year,” sabi pa ni Banal, na nakasama sina 6-foot-10 Fil-Australian recruit James Laput at dating UCBL MVP Jayboy Solis sa ginanap na lingguhang public service program na suportado ng Philippine Sports Commission, National Press Club, Philippine Amusement and Gaming Corporation, Community Basketball Association at HG Guyabano Tea Leaf Drinks.

“Talagang puspusan ang paghahanda namin ngayon, lalo na puro mga school-based teams na matagal nang magkakasama ang makakalaban namin ngayon. Iba ‘yung challenge para sa team ngayon,” dagdag pa ni Banal, na nakapaglaro sa Mapua Cardinals sa NCAA at Wang’s Ballclub sa PBA D-League.

Kaya handa rin sina Laput at Solis na pamunuan ang Marinerong Pilipino para makamit nito ang tagumpay na inaasam.

“I’m ready to do whatever I can to contribute to the team’s success,” sabi ng 23-anyos na sentrong si Laput, na naglaro sa De La Salle University Green Archers sa UAAP.

“”My goal is to play in the PBA, so I plan to apply for the draft (in December 2020). But for now I want to learn a lot and polish my skills with Marinerong Pilipino,” dagdag pa ni Laput, na ipinanganak at lumaki sa Perth, Australia sa mga magulang na Pinoy na mula Bulacan at Caloocan.

Umaasa si Laput, na nanirahan sa Estados Unidos noong siya ay 18-anyos at naglaro sa Division II school na Young Harris College, na ang makukuhang karanasan niya sa ilalim nina Garcia and Banal ay makakatulong para humusay pa ang kanyang paglalaro.

Umaasa rin si Solis, na tinanghal na MVP sa UCBL noong naglalaro siya sa Olivarez College, na ang kumbinasyon ng kabataan at karanasan ng koponan ay makakatulong sa kanila.

“We are working very hard right now to get ourselves ready for the coming D-League,” sabi ni Solis, na nag-average ng 22.9 puntos, 7.9 rebounds, 6.9 assists at 3.5 blocks para makuha ang MVP award at ihatid ang Sea Lions sa 2019 UCBL finals.

Maliban kina Laput at Solis, ipaparada rin ng Marinerong Pilipino si Jamie Malonzo, ang No. 2 pick overall sa nakaraang PBA D-League draft.

Ang 6-foot-6 player mula Portland State na si Malonzo, ay naglaro ng isang season para sa La Salle sa UAAP Season 82.

Nakuha rin ng Marinerong Pilipino sa draft sina Joshua Torralba at Jollo Go ng La Salle, James Spencer ng University of the Philippines, Darrell Menina ng University of Cebu at Miguel Gastador ng University of San Jose-Recoletos.

Nakapasok ang Marinerong Pilipino sa finals ng 2019 PBA D-League Foundation Cup subalit nabigo sa BRT Sumisip Basilan-St. Clare College sa kanilang best-of-three championship series.

Read more...