Sa halip na magkaroon ng bonggang birthday celebration sa Wowowin ngayong Lunes (Jan. 27), nagdesisyon si Willie Revillame na ialay ang live episode ng show sa lahat ng biktima ng Taal volcano eruption.
“Dapat birthday ko ‘yon, celebration. Magbibigay ako ng dalawang house and lot sa loob ng studio, outside ng studio which ginamit namin ang YouTube para mag-greetings, kung sino ‘yong babati tatawagan ko para mabigyan ng house and lot,” pahayag ng TV host-comedian sa panayam ng GMA.
“Pero nu’ng paggising ko nu’ng nakikita ko na sa news bakit ako magse-celebrate ng marami akong kababayan na naghihirap. So sa January 27 po live ang Wowowin at gagawa ho kami ng paraan para makapagbigay ng tulong sa ating mga kababayan,” dagdag pa ni Willie.
Nakausap na raw niya ang ilang opisyal sa Batangas, Cavite at Tagaytay kabilang na si Cong. Vilma Santos para hingan ng ayuda sa paghahatid ng tulong sa mga evacuees, “Sabi ko may ibibigay kaming tulong sa ating kababayan at siyempre kasama rin dito ang GMA Foundation.”
“Alam mo ang buhay natin ay may kalamidad eh, may bagyo, may lindol may ganito, ang importante marunong kang tumayo, ang importante magtulung-tulong tayo. Ito ‘yong right time na magtulung-tulong kasi marami tayong kababayan na hirap,” aniya pa.