Niyanig ni ‘Lindol’

HINDI naman sa pagbubuhat ng bangko, ngunit malaking bagay ang pagdalo ni Luisito “Lindol’’ Espinosa sa Usapang Sports ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) sa National Press Club.
Ginagawa ang Usapang Sports tuwing Huwebes 10:30 a.m. at ito ay napapanood ng livestreaming sa Glitter.ph. Nailalathala rin ang mga kuwento rito sa mga pangunahing tabloid ng bansa tulad ng Bandera.
Kaya naman binabati ko ang pamunuan at ang mga kasapi ng TOPS sa pangunguna ni Ed Andaya ng People’s Tonight sa malugod na pagtanggap kay Louie na mala-telenobela ang buhay.
Ito ang dapat malaman ng ating mga loyalista. Nakarating si Louie sa TOPS kasama ang isa pang dating world champion na si Erbito Salavarria sa tulong ni Games and Amusements Board (GAB) chairman Baham Mitra.
Panauhin kasi ng lingguhang sports forum ang maginoo at ‘‘dynamic’’ na hepe ng GAB at naisipan niyang isama sina Louie at Mang Erbito upang sariwain ang alaala ng makulay at malungkot na lumipas.
Hindi maitatangging alamat ng Philippine boxing ng dalawang ito.
Naroon naman si Chairman Baham upang ihayag ang mga panibagong programa ng ahensya para sa 2020. Syut na syut, ika nga.
Alam niyo bang tahimik na tumulong ang GAB sa mga nasalanta ng pagputok ng Taal Volcano?
Sabi nga ni Chairman Baham, GAB cares!
Hindi na rin naman bago ang malawakang pagbabago na ginagawa ni Mitra sa GAB, lalo na sa larangan ng boksing. Nariyan na ang pagbibigay ng libreng MRI at iba pang health check-up ang mga boxers at ang pagsisiguro na hindi madedehado at malulugi ang mga boxers na lumalaban sa bang bansa. Kaya nakatutuwang isipin kung paano niya ito mahihigitan ngayong Year of the Metal Rat.
Nagkaroon nga rin pala ng matagumpay na Pro Sports Summit sa PICC at nag host ang bansa ng malakihang internasyonal convention para sa mga kababaihang mandirigma.
Ngayo’y binabalak naman ng GAB na ilibre na rin ang dental health para sa ating mga boksingero sa mga ospital ng Armed Forces of the Philippines.
Dahil makinis ang relasyon ng GAB sa malalaking boxing commission tulad ng sa Japan ay nakatanggap pa nga ng P1.4 milyon ang Pinoy boxer na si Renerio Arizalana. Dumaan sa dalawang brain surgery si Arizala matapos matumba sa kanyang laban sa Japan ngunit dahil sa pagpupursigi ni Mitra ay nagbigay ng tulong ang Japan Boxing Commission.
Ilan lamang ito sa nagawa ng GAB kung boksing ang pag-uusapan sapagkat alam naman nating hawak ng GAB ang pro sports.
Bago dumating sa TOPS ay tumanggap si Mang Erbito ng tumataginting na $10,000 mula sa World Boxing Council Jose Sulaiman Fund at tulad ni Espinosa ay kabilang din sa mga tinutulungan ni Thai philantrophist-promoter Naris Singwancha.
Nakatanggap ng P60,000 si Espinosa na ngayo’y nakatira sa General Trias, Cavite mula sa foundation ni Naris na matalik na kaibigan ng sikat na promoter na si Brico Santig na dumalo rin sa Usapang Sports noong Huwebes.
Ito ang maganda.
Dahil sa muling nabuhay sa mga tabloid ang nangyari kay Espinosa noong 1997 laban kay Carlos Rios ng Argentina ay tila nayanig ang Korte Suprema at naisapubliko nito kinabukasan ang Supreme Court decision na dapat bayaran ng mga tagapagmana at pamilya ng namayapang promoter na si Rod Nazario si Espinosa ng balanseng $130,349 (P6.6 million) pati na tin ang interes na anim na porsiyento kada taon.
Tunay na may hustisya bagamat ang tanong ay kailan kaya mahahawakan ni Espinosa ang perang nakalaan sa kanya.
Hindi niya nakuha ng buo ang $150,000 cash purse matapos ang matagumpay niyang depensa ng WBC featherweight title sa Koronadal, South Cotabato noong 1997. Nakuha lang ni Espinosa ang halagang $29,651.
Nakasaad din sa kontrata na dapat bayaran agad si Espinosa ng $60,000 bago pa man ang pakawalan ang kanyang unang suntok.
Kinasuhan ni Espinosa sina Nazario (pumanaw na), South Cotabato Gob. Hilario de Pedro III (pumanaw na) at Joselito Mondejar.
Ibinasura ng Regional Trial Court ang kaso noong 2011 pero nagwagi si Espinosa sa Court of Appeals noong 2015. At ngayon nga ay nagdesisyon na ang Kataastaasang Hukom at wala nang magagawa pa ang pamilya ni Nazario kundi bayaran si Espinosa.
Hindi na lihim ang nangyari sa buhay ni Louie na tinawag na “Lindol’’ dahil sa nakayayanig niyang mga suntok. Two-time world champion si Espinosa ngunit napilitan pa ring lumaban hanggang 2005 dahil sa kakapusan sa pera.
Pinasok ni Louie ang mga mabababang trabaho sa San Francisco, California para mabuhay. Nahila rin si Louie ng problema sa pamilya at ng kung ano ano pang mga maling balak sa pinansya. Nagtrabaho siya sa Hong Kong bilang fitness trainer bago lumipat sa Dalian City sa China.
Ang tanong? Kailan kaya mahahawakan ni Louie ang kanyang milyones?

Read more...