Nikki Valdez ‘ipaglalaban’ ang karapatan ng mga Muslim

NIKKI VALDEZ

TAWA nang tawa si Nikki Valdez nang ikuwento niya ang karakter niya sa teleseryeng “A Soldier’s Heart”. Siya kasi ang gaganap na tiyahin ni Gerald Anderson sa kuwento.

Sa pagkaalam namin, 31 na si Gerald kaya pwede ba talaga niyang maging pamangkin ang aktor sa tunay na buhay?

“Okay lang, 41 na naman ako. Ha-hahaha! Di ba pamangkin ko na siya,” natawang sagot ng aktres nang makausap namin sa mediacon ng “A Soldier’s Heart”.

Sa kuwento, kapatid ni Nikki ang nanay ni Gerald na gagampanan ni Irma Adlawan. Ito rin ang ikalawang pagkakataon na gaganap si Nikki ng Muslim, “Taga-Marawi kami, so Maranawon kami dito na mapapasabak sa gulo dahil sa ipinaglalaban ng aming pamilya at ng mga kapwa-Maranawon.

Ang huling serye pa ni Nikki ay ang “Sana Dalawa Ang Puso” kasama sina Robin Padilla, Richard Yap at Jodi Sta. Maria kaya nagpapasalamat siya sa ABS-CBN dahil binigyan siya uli ng proyekto na nagsimula na ngang mapanood kagabi.

Nabanggit pa ng aktres na dalawang taon nang nagte-taping ang mga bida ng “A Soldier’s Heart” kabilang na ang mga gumaganap na sundalo sa kuwento na sina Gerald, Yves Flores, Nash Aguas, Elmo Magalona, Jerome Ponce at Vin Abrenica. Nag-start naman si Nikki na mag-taping noong first quarter ng 2019.

At dahil Muslim nga ang karakter ni Nikki ay lagi siyang naka-hijab (takip sa ulo at mukha) na talagang mainit isuot lalo’t napapaligiran ka ng malalakas na buga ng ilaw sa set, “Mabuti na lang, malamig sa mga location namin like Antipolo, Tanay at Boso-Boso,” sambit ng aktres.

Humawak din ng baril si Nikki bilang kasapi sa pangkat na kaaway ng military dahil sa ipinaglalaban nila at ito ang isa sa mga challenge sa kanila sa serye, “Nakipaglaban kami ro’n (bundok), sabi ko nga, week one palang itong ipinanood pero parang finale na kasi sobrang laki ng mga eksena.”

Anyway, pitong magigiting na sundalo ang magpapamalas ng matatag na kapatiran at magpapatunay na hindi hadlang ang pagkakaiba para magturingang magkadugo sa “A Soldier’s Heart,” na napapanood na sa Primetime Bida pagkatapos ng “Make it with You.”

Sa napanood naming mga eksena sa ginanap na special screening ng serye, talagang hindi nagpatalo sa isa’t isa ang mga bidang sundalo. May kanya-kanya agad highlights sina Gerald (Alex) Vin (Elmer), Yves (Benjie) Carlo (Abe) Nash (Michael), Jerome (Phil) at Elmo (Jethro) na iba’t iba ang rason sa pagpasok sa military ngunit pinagbuklod ng iisang dahilan sa pagiging sundalo, ang ipagtanggol ang bayan.

Makakasama nila sa laban ang nag-iisang babae sa grupo na si Lourd (Sue Ramirez) na patutunayang hindi hadlang ang kasarian para makapaglingkod sa bayan.

Napapanahon ang seryeng “A Soldier’s Heart” sa pagtalakay nito sa mga suliranin ng mga sundalo, na itinuturing na makabagong mga bayani sa pag-alay nila ng kanilang buhay para mapagsilbihan ang mga Pilipino.

Ang serye rin ang marka ng unang pagsasama sa telebisyon ng ilan sa mga pinakamahuhusay na aktor ng kani-kanilang henerasyon na sina Gerald, Vin, Yves, Elmo, Nash, Jerome, at Carlo, na ipapamalas ang galing sa pag-arte sa primetime.

Kasama rin sa serye sina Ariel Rivera, Raymond Bagatsing, Sid Lucero, Rommel Padilla, Mickey Ferriols at Ketchup Eusebio mula sa direksyon nina Richard Somes at Albert Panaligan.

Samantala, pagkatapos ng kanilang taping, dumiretso naman ang ilang members ng cast ng “A Soldier’s Heart” sa Batangas para mag-distribute ng relief goods sa mga nasalanta ng kalamidad.

Personal na nagtungo sina Gerald, Carlo at Yves sa Bauan Technical High School sa Balete, Batangas para mamahagi ng tulong sa mga evacuees doon sa tulong na rin ng Philippine Youth-KASAMA Foundation. Nakipag-usap din ang mga Kapamilya stars sa ilang local government officials ng Batangas para kumustahin ang kalagayan ng iba pang mga kababayan natin sa mga evacuation centers.

Read more...