Pinay na sumikat sa ‘Ireland’s Got Talent’ wish maka-duet sina Daniel, Moira at Mega

SIKAT na sikat ngayon sa Ireland ang 15-year-old Filipina singer na si Shaniah Rollo.

Ito’y matapos magmarka ang kanyang performance sa talent search na Ireland’s Got Talent noong 2018 kung saan binigyan pa siya ng standing ovation sa version niya ng “True Colors” ni Cyndi Lauper.

Ang IGT ang nagbukas ng maraming opportunities kay Shaniah at naging daan para makilala rin siya ng mga Pinoy hindi lang sa Ireland kundi maging dito sa Pilipinas.

Nasa bansa ngayon ang dalagita at kamakailan nga ay humarap sa ilang miyembro ng entertainment media para ikuwento ang naging experience niya sa IGT at kung anu-ano pa ang mga dapat abangan sa kanyang career.

Aminado ang Pinay singer na tubong-Laguna na bata pa lang ay mahiyain na siya at wala talaga siyang balak na sumali sa mga talent search. Pero wala na siyang nagawa nang sabihin sa kanya ng ama na isinali siya nito sa Ireland’s Got Talent, “Pangarap kasi talaga ng father ko na mapanood ako sa TV. But I didn’t expect that we would actually do it. Na-shock talaga ako when he told me na isinali niya ako sa IGT.”

Sey ni Shaniah, malaki ang naitulong ng pagsali niya sa mga singing competition para magkaroon ng confidence sa sarili, lalo na raw nang noong nagpalakpakan at nagtayuan ang audience ng IGT pati na ang mga judges ng show na sina Denise Van Outen, Jason Byrne, Michelle Visage at Louis Walsh.

Hindi man pinalad na makasama sa finals, feeling lucky na rin si Shanaih dahil nabigyan siya ng chance na makapag-perform sa harap ng maraming tao. Aminado kasi siya na matindi ang nerbiyos na nararamdaman niya kapag magpe-perform sa malaking crowd.

“Meron po kasi ako stage fright noon. Kaya po po wala talaga ako confidence para sumali sa mga competitions and that’s the very first competition na sinalihan ko po kaya I was very surprised dahil po sa TV po ‘yun,” sey pa ng dalagita na nakapag-guest na rin sa ASAP ng ABS-CBN.

Dagdag pa niya, “I’m so proud na nakarating ako sa ganito dahil sa suporta po ng mga Pilipino. Nagkaroon po ako ng marami supporters I’m very happy po. Wish ko po na makapag-perform din kasama ‘yung mga idols ko po dito sa Philippines.” Tatlong OPM artists ang talagang idol na idol niya, kabilang na riyan sina Moira dela Torre at Daniel Padilla. At ang ikatlo na nagsilbing inspirasyon ni Shaniah sa pagkanta ay ang Megastar na si Sharon Cuneta. Naging paborito niya ang singer-actress dahil na rin sa impluwensiya ng kanyang nanay na big fan din ni Mega.

Samantala, very soon ay iri-release na ang kanyang debut single na “Too Young” na tungkol sa mother and daughter relationship. Sey ng dalagita sa mensahe ng kanyang kanta, “Take your time when you’re young. Just enjoy your freedom.”

Nag-post ang singer sa Instagram ng kanyang litrato habang nasa loob ng recording studio na may caption na, “Just recorded my first SINGLE ALBUM I can’t wait for the actual release. Thank you for everyone who supports me and especially for those people who supported me from way back when I auditioned on Ireland’s Got Talent 2018. and from when I started dreaming. You guys are so loyal and I would like to do more for you guys. Stay tuned for the release of my first single album, this means a lot to me. i love you guys so much! MWUAAAHHHHH! hugggssss!!!”

Babalik si Shaniah sa Ireland anytime soon para tapusin muna ang kanyang pag-aaral at sa mga projects niya roon with her own group, ang Bright Lights (a group of Filipino singers who are also champions in various singing competitions in Ireland). Pero aniya, muli siyang bibisita sa bansa para sa promo ng “Too Young” at sa iba pang proyektong gagawin niya rito.

Read more...