BALIK-DRAMA na nga ba ang Korean superstar na si Ji Chang Wook ngayong 2020? Posible siyang bumida sa upcoming series na “Convenience Store Saet Byul” sakaling tanggapin ang proyekto.
Hango ito sa isang webtoon na may kaparehas na title. Sa kanya inaalok ang male lead sa drama series.
Posible naman niyang makasama sa serye ang magaling na aktres na si Kim Yoo Jung na nakikilala sa bansa sa historical drama series na “Love in the Moonlight” kasama ang isa pang Korean superstar na si Park Bo Gum.
Kapwa kinumpirma ng mga ahensiya nina Chang Wook at Yoo Jung na pinag-iisipan pa ng dalawa kung tatanggapin ang project na tungkol sa isang pilyang part-timer at sa kanyang gwapo ngunit medyo mali-maling manager sa isang 24-hour convenience store.
Unang nakilala si Chang Wook sa K-series na Smile Again (2010–2011). Mula noon sunod-sunod na ang kanyang proyekto, partikular ang Empress Ki (2013–2014).
Inaasahan din ang pagbisita sa bansa ni Chang Wook ngayong taon bilang bahagi ng kanyang Asian tour.