Utos ng Korte Suprema: Ibigay na kay Espinosa ang P6.5-M cash prize

MATAPOS ang mahigit dalawang dekadang paghihintay ay makakamtan na rin ni dating world boxing champion Luisito Espinosa ang katarungan at mapapasakanya na ang mahigit P6.5  milyong cash purse mula sa kanyang laban noong 1997.

Ipinag-utos ng Korte Suprema sa  mga kaanak at tagapagmana ng nasirang promoter ng kanyang laban noon kay Carlos Rios ng Argentina sa Koronadal City na bayaran si Espinosa ng kakulangang halagang $130,349 mula sa kanyang kontrata sa naturang title fight.

Sa isang resolusyon na may petsang Nobyembre 13,2019 na inilabas ng Ikatlong Dibisyon  ng Korte Suprema nito lamang Sabado  ay ibinasura ang petisyon ng pamilya ng boxing promoter na si  Rodolfo Nazario na ipawalambisa ang desisyon ng Court of Appeals noong 2015 na pumabor kay Espinosa.

“This case has been pending for many years and the court would like to put the whole matter to rest. The scheduled fight pushed through and [Espinosa] has not been given his prize money too long to be ignored,” saad ng  resolution.

Ipinagtibay din ng Mataas na Hukuman ang pagbigay ng six percent interest per annum mula Mayo 1998 kung kalian nagsampa ng kaso si Espinosa sa  Manila Regional Trial Court (RTC) laban kina Nazario, dating  South Cotabato Governor Hilario de Pedro III at isa pang boxing promoter na si Joselito Mondejar.

Napawalang-sala naman ng korte sina De Pedro at Mondejar.

Lumaban at tinalo ni Espinosa ang challenger na si Rios para mapanatili sa kanya ang World Boxing Council featherweight title.

Ayon sa kontratang pinirmahan noon ni Espinosa, babayaran siya ng $150,000 para sa laban at tatanggap siya ng $10,000 para sa kanyang training expenses. Nakasaad din sa kontrata na bibigyan siya ng paunang bayad na $60,000 bago ang naturang araw ng laban ay ang natitirang pera ay ibibigay sa kanya sa Disyembre 16, 1997.

Ayon kay Espinosa, $29,651 lamang ang kanyang natanggap noon at nanatili pa siya ng ilang araw sa Koronadal para hinayin ang karagdagang bayad bago nagdesisyong lumipad pabalik ng Maynila.

Si Espinosa ay nagretiro sa pagboboksing noong 2005 at kasalukuyang nagtatrabaho bilang boxing instructor sa isang gym sa Dalian, China. Siya ay kasalukuyang nagbabakasyon sa bansa at nakatakdang bumalik ng China sa Pebrero.

Sa kanyang pagdalo sa Usapang Sports forum ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) sa National Press Club nitong Huwebes ay umaasa siyang matatanggap na niya ang perang para sa kanya pero hindi niya inasahang darating ito ng mas maaga.

Hindi nagwagi si Espinosa sa Manila RTC kung kaya ay iniakyat nito ang kaso sa Court of Appeals  noong 2011 kung saan pinaboran siya nito sa isang desisyon noong 2015.

Isinampa naman ng Pamilya Nazario ang kaso sa Korte Suprema pero nabigo itong makakuha ng pabor na desisyon.

Bukod sa WBC featherweight title ay naging World Boxing Association (WBA) bantamweight champion din si Espinosa noong 1989.

Read more...