ARESTADO ang dating child actor na si Jiro Manio matapos akusahan ng frustrated homicide.
Hinuli ng mga pulis sa Marikina City si Jiro kagabi, Jan. 17, base na rin sa reklamo ng isang nagngangalang Zeus Doctolero na umano’y nanaksak sa kanya.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Marikina City Police, sinugod umano ng dating aktor ang biktima nang magkita sila sa isang karinderya.
Bigla na lang daw naglabas ng patalim si Jiro at sinaksak nang tatlong beses si Doctolero.
Pero ayon sa salaysay ng dating child actor, napilitan lang siyang ipagtanggol ang sarili dahil una siyang sinaktan ng biktima nang hampasin siya ng helmet.
Mabilis namang naisugod sa ospital si Doctolero habang dinala naman si Jiro sa Marikina Police Station. Wala pang ibinigay na detalye ang mga otoridad kung ano ang ugat ng pag-aaway ng dalawa.
Base naman sa isang police report, ipina-blotter din ng may-ari ng karinderya na si Evelyn Vinopsa si Jiro matapos umanong manggulo. Inireklamo rin niya ang dating aktor ng “Damage to property” dahil sa pagkasira ng ilang gamit sa loob ng kanyang eatery nang sugurin nito ang biktima.
Ilang beses nang nasangkot sa gulo at kontrobersya si Jiro na nakilala bilang award-winning child actor sa pelikulang “Magnifico” noong 2004.
Noon namang June, 2015, nakita si Jiro na paikut-ikot sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 na tila wala sa sarili at gutom na gutom.
Isa si Kapuso comedienne Ai Ai delas Alas sa mga tumulong kay Jiro para sumailalim sa rehabilitation program pero balitang sumuko na rin ang komedyana sa pagtulong sa aktor dahil sa katigasan ng ulo nito.