Good news naman para sa mga supporters ng tambalan nina JC at Bela Padilla. Muli silang mapapanood sa latest hugot at romcom-drama offering ng Viva Films, ang “On Vodka, Beers And Regrets” directed by Irene Emma Villamor.
Tungkol ito kay Jane Pineda (Bela), isang dating child star at artistang malapit nang malaos. Sa kanyang sunod-sunod na failed auditions at sa kagustuhang makatakas sa isang malaking iskandalo, sa alak siya nakahanap ng kakampi. At sa isang lasing na pagkakataon sa bar, nakilala niya si Francis (JC), vocalist ng banda. Dito biglang mababago ang takbo ng kanyang buhay.
Nakahanap din sa wakas si Jane ng kakampi at saya sa piling ni Francis. Para kay Francis, handa niyang mahalin si Jane anuman ang kanyang sitwasyon. Pero magiging sapat ba ang pagmamahal niya para manatili si Jane? O sa huli ay mawawala din si Jane sa kanya?
Ito na ang ikatlong pagtatambal nina JC at Bela on-screen. Ang una nilang pelikula ay ang “100 Tula Para Kay Stella” na naging official entry sa Pista ng Pelikulang Pilipino. Naging malaking hit ang kanilang tandem, at madami ang humiling na sila ay muling magsama sa isang pelikula. Kaya noong 2018, napagbigyan ang kanilang fans at muling nagtambal sa isa na namang official entry sa Pista ng Pelikulang Pilipino, ang “The Day After Valentine’s”. Ngunit gaya sa kanilang unang pelikula, umuwi na naman ang mga hopeless romantic nang wasak na wasak.
Ngayong 2020, makukuha na ba ng mga lovesick fans ang happy ending na gusto nila para kay JC at Bela? O marami na namang mabibigo at uuwing luhaan dahil sa On Vodka, Beers And Regrets”? Isa pang nakadagdag ng excitement para sa pelikulang ito ay ang rising star ng VIVA na si Raphiel Shannon, na siyang kumanta ng movie soundtrack na “Mundo”, ang smash hit ng bandang IV of Spades noong 2018.
Kaya maghanda na sa halo-halong feels ng kilig at heartbreak (ulit?!) na tanging si JC at Bela lamang ang makakapagbigay on-screen sa “On Vodka, Beers And Regrets”. Showing na ito sa sa mga sinehan sa Feb. 5.