Gerald umaming may ‘special someone’ na niregaluhan noong Pasko

ELMO MAGALONA, NASH AGUAS, GERALD ANDERSO,  JEROME PONCE AT YVES FLORES

MUKHANG naka-move on na nga ang Kapamilya hunk actor na si Gerald Anderson sa mga kontrobersiyang kinasangkutan niya bago matapos ang 2019.

Muling humarap sa members ng entertainment press kamakalawa ng gabi pagkatapos ng special screening ng latest primetime series niyang “A Soldier’s Heart” na magsisimula na sa Jan. 20.

Game na game namang sinagot ng binata ang mga tanong ng reporter tungkol sa matinding hirap at sakripisyo na pinagdaanan nila habang ginagawa ang nasabing serye, lalo na ang pagtanggap nila sa hamon para sa isang military training.

Ayon kay Gerald, “Yes po, grabe ‘yung pinagdaanan namin sa tatlong araw na training para maging Philippine army reservist. Totoong training po ‘yun na pinagdaraanan talaga ng isang taong gustong maging sundalo. Kaya talagang saludo kami sa lahat ng Pinoy soldiers dahil mas matitindi pa ang pinagdaraanan nila, mas rigid ang training, talagang buwis-buhay.”

Bukod kay Ge, nakasama rin niya sa 3-day skills training course sa Camp Tecson, San Miguel, Bulacan ang mga co-stars niya sa “A Soldier’s Heart” na gumaganap ding mga sundalo sa kuwento – sina Elmo Magalona, Jerome Ponce, Yves Flores at Nash Aguas, na mga private reservists na rin ngayon ng Philippine Army. Naikuwento rin nila kung paano nila hinarap at pinanindigan ang kagustuhan nilang maging sundalo.

“Kumasa kami sa challenge dahil we knew if we graduated, kapag natapos namin ‘yung training, we would have the privilege of being in the Philippine army reservist, aside from the fact that this will also help us portray Philippine Scout Rangers sa A Soldiers Heart,” lahad ng aktor.

“Sabi ko nga, we were pushed physically and mentally beyond our limits. Ang dami naming natutunan, ang daming realizations in just three days. Being the company commander taught me how to lead other people, but most important how to lead myself and stay composed despite any situation. Imagine, only two hours of sleep for three days. More or less 10 seconds to eat your meal, sometimes eating nakadapa sa putikan.

“That teaches you a lot – patience, gratitude, appreciation for even the small stuff. Being a Philippine Scout Ranger is being a real superhero. That’s why mas na-appreciate ko ngayon ang lahat ng sakripisyo ng mga sundalo natin. Kaya para sa ating lahat, kapag nakakita tayo ng sundalo, lapitan natin sila, mag-thank you tayo kasi mas mai-inspire sila kapag alam nilang suportado natin sila,” pahayag pa ng binata.

Kuwento pa ni Gerald, proud na proud siya sa kapwa aktor na si Matteo Guidicelli na is na ngayong Army reserve 2nd lieutenant. Isa si Matteo sa mga sundalong nagbigay ng training sa cast ng ASH at talaga raw “wala ring patawad” ang binata sa mga ipinagawa sa kanila sa loob ng military camp.

“Oo, walang arti-artista, walang kaibi-kaibigan. Ha-hahaha! Nandu’n siya para sa Orientation course and to give different military exercises. And you know what after the training, kasi siya talagang kinumpleto niya ‘yung process, so mas matindi ‘yung kanya. Kaya sobrang bumilib kami sa katatagan at katapangan niya and mas na-inspire pa kami sa training,” pahayag pa ng binata.

Samantala, nang kumustahin ng press ang kanyang Pasko at Bagong Taon masaya naman siyang kasama ang kanyang pamilya. Bigla namang natawa si Gerald nang usisain kung may special someone siyang niregaluhan last Christmas.

“Ha-hahaha! Saan naman nanggaling ‘yung tanong na ‘yan. Ha-hahaha! Oo, meron akong niregaluhang babae na espesyal sa akin, ‘yung nanay ko. Nanay ko ang special someone ko.” natatawang sey ni Gerald.

Mapapanood na simula sa Lunes, Jan. 20 ang “A Soldier’s Heart” sa Primetime Bida ng ABS-CBN kapalit ng The Killer Bride. Ito’y sa direksyon nina Richard Somes. Kasama rin dito sina Vin Abrenica, Ariel Rivera, Irma Adlawan, Raymond Bagatsing, Sid Lucero, Rommel Padilla, Mickey Ferriols, Nikki Valdez at Ketchup Eusebio.

Read more...