Bashers ni Alden basag na basag kay Daddy Bae: Tahimik siyang tumutulong

ALDEN RICHARDS

BASAG na basag kay Richard Faulkerson Sr. ang bashers ng kanyang anak na si Alden Richards.

Inakusahan kasi ang Asia’s Multimedia Star ng ilang netizens na walang ginagawa para tulungan ang mga nasalanta ng pagputok ng Taal volcano sa Batangas.

Puro pagpapasarap lang daw sa buhay ang binata dahil palagi na lang itong nasa ibang bansa at naglalamiyerda.

Nag-comment ang isang netizen sa “#latepost” ni Alden na kuha sa kanyang 28th birthday celebration sa Enchanted Kingdom kasama ang kanyang fans.

Anito, “#taalvolcanoeruption2020 MUNA ALDEN, panahon muna ng pakikidamhati SAYANG NAMAN ang pagiging maka-DIYOS mo.

“Bukas mo na lang ulit buhatin ang grupo mo kasama na sarili mo. BAYANIHAN muna para sa #PrayForPhilippines #TaalVolcanoAshfall. Huwag muna pabida at pabibo kung maari Lang.”

Hindi ito pinalampas ng kanyang tatay at talagang binara ang basher. Ayon kay Daddy Bae, kahit wala raw sa bansa si Alden nang sumabog ang bulkang Taal, agad itong nagpadala ng tulong sa mga evacuees. Inilabas din niya ang “ebidensiya” sa pamamagita ng screenshot ng palitan nila ng mensahe ni Alden.

Makikita sa palitan nila ng text message na umutang ng “10K” si Alden sa kanyang tatay para sa isang taong humihingi ng tulong sa aktor. Ibinilin ng Kapuso actor-TV host na iwan na lang ang pera sa pag-aari niyang fastfood sa Biñan, Laguna, na naapektuhan din ng Taal eruption.

Pahayag pa ng ama ni Alden, “Isang tao palang yan boss, kahapon 7:15 ng umaga kahit malayo siya dun sa dapat mabigyan mga tulong, may ginagawa na yan. Thank you.”

Ibinalita rin ni Daddy Bae na pansamantala rin nilang isinara ang isa pa nilang restaurant sa Tagaytay dahil hindi rin ito pinatawad ng nag-aalburotong bulkang Taal.

Read more...