Total ban na ng HSWS sa Kuwait, wala nang bawian!

SA pagpasok ng 23 taon na paglilingkod at pagbabantay ng public service program na Bantay OCW, ang tagal naming hinintay ang balitang ito na gawin ng “total deployment ban” ang ipatupad sa bansang Kuwait upang hindi na makapagpadala pa ng mga household service workers (HSW) o domestic workers na pawang mga kababaihan doon.
Wala silang kalaban-laban at hindi nila kayang ipagtanggol ang kanilang mga sarili bukod pa san“kaaway” ang pagtrato sa sinumang pumapasok sa tahanan ng kanilang mga employer.
Matapos ilabas ng National Bureau of Investigation (NBI) ang auptosy report nito sa pinatay na OFW na si Jeanelyn Villavende sa Kuwait, maliban sa pisikal na pang-aabuso, napag-alamang ginahasa pa ito.
Kaya naman opisyal na ipinahayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III ng Department of Labor and Employment ang pagpapatupad ng “total deployment ban” sa Kuwait.
Nakausap naman ng Bantay OCW sa Radyo Inquirer at Inquirer 990 Television ang administrador ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na si Atty. Bernard Olalia upang alamin kung anu-ano ang sinasaklaw ng naturang direktiba.
Ayon kay Olalia, hindi na nga magpapaalis ang Pilipinas ng mga OFW na magtatrabaho sa Kuwait bilang mga kasambahay o domestic helpers. Wala ng bagong mga kontrata na epo-proseso pati na para sa mga professional at skilled workers.
Tangi lamang na papayagang makaalis ang mga balik-manggagawa na professional at skilled workers. Sila lamang ang puwedeng mag-renew ng kanilang mga kontrata. Pero hindi na paaalisin o pababalikin pa ang mga HSW o kasambahay na kasalukuyang nagbabakasyon sa Pilipinas.
Sabi pa ni Olalia, tinatayang may 45,000 ang mga Pinoy OFWs sa Kuwait. At sa bilang na iyan, maaasahang unti-unti nang mababawasan ito dahil kailangang tapusin na lamang ng mga Pinay OFWs ang kanilang mga kontrata doon hanggang sa magbalikan na silang lahat sa Pilipinas.
Pahabol pa ni Olalia, kung nakararanas ng mga pang-aabuso ang ating mga OFW sa Kuwait, agad ipagbigay alam ito sa ating embahada o mga kamag-anak sa Pilipinas upang matulungang makuha sila at maiuwi na ng Pilipinas.
Ngayon kasi hindi na lang basta pang-aabusong pisikal at seksuwal ang natitikman ng mga OFW natin, kundi sadyang pinapatay na sila ng kanilang mga employer.
Kaya para sa ating mga kababaihan na nagnanais pa ring magtrabaho sa abroad bilang HSW o domestic workers, burahin na ninyo ang bansang Kuwait dahil hindi na ito padadalhan pa.
At hangad din ng Bantay OCW na hindi na babawiin pa ng pamahalaan ang pagpapatupad ng “total ban” upang tuluyan nang huwag magpaalis ng ating mga Pinay OFWs patungo sa Kuwait.
Sana ikonsidera din ang ilang mga bansa sa Gitnang Silangan kung saan nagpapatuloy pa rin ang mga pang-aabuso sa ating mga OFWs at hindi na lamang nagrereport sa awtoridad.
Gayong nabawasan na ito dahil sa paglaganap ng social media, at mabilis na naibabalita ang mga nangyayari sa kanila, umasa pa rin tayong mas piliin na lamang sana ng ating mga kababaihan na huwag nang umalis, huwag ng iwan ang kanilang asawa at mga anak, at pagsikapan na lamang na magtulong-tulong para sa kanilang kabuhayan.
***
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM at napapanood sa Inquirer Television (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Read more...