‘Malayo sa bituka ni Angel Locsin ang politika!’

ANGEL LOCSIN

Pagdating sa tahimik na pagtupad sa mga charity works ay nangunguna sa listahan si Angel Locsin. Wala siyang kaingay-ingay na tumutulong sa mga kababayan nating hinahagupit ng iba-ibang uri ng kalamidad.

Walang camera, walang coverage ang kanyang pagtulong, sa ibang tao pa natin nalalaman ang kabutihan niyang ginagawa para sa ating mga kababayan.

Pero nitong huli, sa pagsabog ng bulkang Taal, ay naging diretso siya sa paglalabas ng kanyang damdamin sa Twitter. Gusto niyang malaman kung anu-ano ang mga pangangailangan ng mga sinalanta at hanggang ngayo’y pinahihirapan pa rin ng pag-aalburoto ng Taal volcano.

Galing sa sarili niyang bulsa ang ipinambibili nila ng mga pagkain at kagamitang naka-schedule kung saan-saang evacuation center nila dadalhin.

Mismong sumasama ang magandang aktres sa pagbabalot ng mga pangtulong nila, nagpupuyat at nagpapagod siya sa paghahanda, hindi siya basta tagabigay lang ng mga detalye.

Maraming kababayan natin ang nagtutulak kay Angel Locsin para kumandidatong senador sa susunod na halalan. Ang tulad daw niya ang kailangan ng ating bayan.

Sigurado namang maipapanalo niya ang laban, pero mukhang malayo sa bituka ni Angel Locsin ang pagpasok sa mundo ng pulitika, gasgas man ang linyang sinasabi niya ay totoo namang maaari siyang makatulong sa mga nangangailangan kahit wala siyang upuan sa ating pamahalaan.

Read more...